Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 6:1-28

Juan 6:1-28 ASND

Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao dahil nakita nila ang mga himalang ginawa niya sa pagpapagaling ng mga may sakit. Umakyat si Jesus at ang mga tagasunod niya sa isang bundok at naupo roon. (Malapit na noon ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel.) Nang tumingin si Jesus, nakita niya ang napakaraming taong papalapit sa kanya. Tinanong niya si Felipe, “Saan tayo makakabili ng pagkain para pakainin ang mga taong ito?” (Tinanong niya ito upang subukan si Felipe, kahit alam na niya ang kanyang gagawin.) Sumagot si Felipe, “Sa dami po nila, ang walong buwan na sahod ng isang tao ay hindi sapat para pakainin ng kahit tigkakaunti ang bawat isa.” Sinabi naman ng isa sa mga tagasunod niyang si Andres na kapatid ni Pedro, “May isang batang lalaki rito na may limang tinapay at dalawang isda. Pero kakasya ba naman ito sa dami ng tao?” Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Umupo naman ang mga tao dahil madamo sa lugar na iyon. Ang bilang ng mga lalaki lang ay mga 5,000 na. Kinuha ni Jesus ang tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, ipinamahagi ito sa mga tao. Ganoon din ang ginawa niya sa isda, at nabusog ang lahat. Pagkakain nila, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tipunin nʼyo ang lahat ng natira para walang masayang.” Tinipon nga nila ang natira mula sa limang tinapay na ipinakain sa mga tao at nakapuno sila ng 12 basket. Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Siguradong ito na nga ang propetang hinihintay nating darating dito sa mundo!” Alam ni Jesus na balak ng mga taong kunin siya at sapilitang gawing hari. Kaya umalis siya roon at muling umakyat nang mag-isa sa bundok. Nang gumagabi na, nagpunta ang mga tagasunod ni Jesus sa tabi ng lawa. Madilim na at wala pa rin si Jesus, kaya sumakay na sila sa isang bangka at tumawid papuntang Capernaum. At habang tumatawid sila, nagsimulang lumakas ang hangin at lumaki ang mga alon. Nang nakasagwan na sila ng mga anim o limang kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa kanilang bangka. At natakot sila. Pero sinabi sa kanila ni Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot.” Kaya pinasakay nila si Jesus sa bangka, at nakarating agad sila sa kanilang pupuntahan. Kinabukasan, naroon pa ang mga tao sa kabila ng lawa, kung saan sila kumain ng tinapay matapos magpasalamat ng Panginoon. Alam nilang iisa lang ang bangka roon nang gabing iyon, at iyon ang sinakyan ng mga tagasunod ni Jesus. Alam din nilang hindi kasamang umalis si Jesus ng mga tagasunod niya. Samantala, may dumating na mga bangka galing sa Tiberias at dumaong malapit sa kinaroroonan ng mga tao. Nang mapansin ng mga tao na wala na roon si Jesus at ang mga tagasunod niya, sumakay sila sa mga bangkang iyon at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus. Pagdating ng mga tao sa Capernaum, nakita nila si Jesus at tinanong, “Guro, kailan pa po kayo dumating dito?” Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang totoo, hinahanap nʼyo ako, hindi dahil sa mga nakita ninyong himala, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. Huwag kayong magtrabaho para lang sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing hindi nasisira at nakakapagbigay ng buhay na walang hanggan. Ako na Anak ng Tao ang siyang magbibigay sa inyo ng pagkaing ito, dahil ako ang binigyan ng Ama ng kapangyarihang magbigay nito.” Kaya tinanong ng mga tao si Jesus, “Ano po ang dapat naming gawin upang masunod namin ang ipinapagawa ng Dios?”