Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 14:15-24

Juan 14:15-24 RTPV05

“Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga itinuturo. Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo magpakailanman. Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili sa inyo. “Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng mundong ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo. “Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.” Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit po sa amin lamang kayo magpapakilala nang lubusan at hindi sa sanlibutan?” Sumagot si Jesus, “Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y tatahan at mananatili sa kanya. Ang hindi tumutupad sa aking mga salita ay hindi umiibig sa akin. Ang salitang narinig ninyo ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya