Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 14:15-24

JUAN 14:15-24 ABTAG01

“Kung ako'y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos. At hihingin ko sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng isa pang Mang-aaliw, upang makasama ninyo siya magpakailanman. Ito ang Espiritu ng katotohanan na hindi kayang tanggapin ng sanlibutan; sapagkat siya'y hindi nito nakikita o nakikilala man. Siya'y nakikilala ninyo, sapagkat siya'y nananatiling kasama ninyo at siya ay mapapasa inyo. Hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako'y darating sa inyo. Kaunti pang panahon at hindi na ako makikita ng sanlibutan, ngunit makikita ninyo ako; sapagkat ako'y nabubuhay ay mabubuhay rin kayo. Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa aking Ama, at kayo'y nasa akin, at ako'y nasa inyo. Siyang mayroon ng aking mga utos at tinutupad ang mga iyon ay siyang nagmamahal sa akin, at ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama, at siya'y mamahalin ko, at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.” Si Judas (hindi ang Iscariote) ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, paano mong ihahayag ang iyong sarili sa amin, at hindi sa sanlibutan?” Sumagot si Jesus sa kanya, “Kung ang isang tao ay nagmamahal sa akin, ay kanyang tutuparin ang aking salita, at siya'y mamahalin ng aking Ama, at kami'y lalapit sa kanya, at kami'y gagawa ng tahanang kasama siya. Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita, at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin.