Kinabukasan, nabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay papunta sa Jerusalem. Kumuha sila ng mga palapa ng palmera, at lumabas sila sa lunsod upang siya'y salubungin. Sila'y sumisigaw, “Purihin ang Diyos. Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Hari ng Israel!”
Nakakita si Jesus ng isang batang asno at sinakyan niya ito, gaya ng nasusulat,
“Huwag kang matakot, lunsod ng Zion!
Masdan mo, dumarating na ang iyong hari,
nakasakay sa isang batang asno!”
Hindi ito naunawaan noon ng kanyang mga alagad. Ngunit matapos na si Jesus ay muling mabuhay at maluwalhati, naalala nilang ganoon nga ang sinasabi sa kasulatan tungkol sa kanya, kaya't gayon nga ang nangyari.
Ipinamamalita naman ng mga taong kasama ni Jesus ang ginawa niyang muling pagbuhay kay Lazaro. At iyon ang dahilan kaya siya sinalubong ng napakaraming tao, nabalitaan nila ang himalang ginawa niya.
Kaya't nasabi ng mga Pariseo, “Walang nangyayari sa pagsisikap natin. Tingnan ninyo, sumusunod pa rin sa kanya ang lahat!”
May ilang Griegong dumalo sa pista upang sumamba. Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida, sa Galilea, at nakiusap, “Ginoo, nais po naming makita si Jesus.”
Ito'y sinabi ni Felipe kay Andres, at magkasama silang lumapit kay Jesus at ipinaalam ang kahilingan ng mga iyon. Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang parangalan ang Anak ng Tao. Pakatandaan ninyo: hangga't hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. Ang taong nagpapahalaga sa kanyang sarili lamang ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay pumaparoon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”
“Ako'y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito?’ Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito. Ama, parangalan mo ang iyong pangalan.”
Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Pinarangalan ko na ito, at muli kong pararangalan.”
Narinig iyon ng mga taong naroon kaya't sinabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!”
Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin. Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito. At kung ako'y maitaas na, ilalapit ko sa akin ang lahat ng tao.” Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.
Sinagot siya ng mga tao, “Sinasabi sa Kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing dapat maitaas ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Tao?”
Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaunting panahon na lamang ninyong makakasama ang ilaw. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw upang hindi kayo abutin ng dilim. Hindi alam ng lumalakad sa dilim kung saan siya pupunta. Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng liwanag.”