Nang kinabukasan ang isang malaking karamihan na nagsiparoon sa pista, pagkabalita nila na si Jesus ay dumarating sa Jerusalem,
Ay nagsikuha ng mga palapa ng mga puno ng palma, at nagsilabas na sumalubong sa kaniya, na nagsisigawan, Hosanna: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang Hari ng Israel.
At si Jesus, pagkasumpong sa isang batang asno, ay sumakay doon, gaya ng nasusulat,
Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion: narito, ang iyong Hari ay pumaparito, na nakasakay sa isang anak ng asno.
Ang mga bagay na ito ay hindi napagunawa ng kaniyang mga alagad sa pasimula: nguni't nang si Jesus ay maluwalhati na, ay saka nila naalaala na ang mga bagay na ito ay sinulat tungkol sa kaniya, at kanilang ginawa ang mga bagay na ito sa kaniya.
Ang karamihan ngang kasama niya nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan, at siya'y ibangon sa mga patay, ay siyang nangagpapatotoo.
Dahil dito rin naman ang karamihan ay nagsiyaon at sumalubong sa kaniya, sapagka't nabalitaan nila na siyang gumawa ng tandang ito.
Ang mga Fariseo nga'y nangagsangusapan, Tingnan ninyo kung paanong kayo'y walang anomang ikapanaig; narito, ang sanglibutan ay sumusunod sa kaniya.
Mayroon ngang ilang Griego sa nagsiahon sa kapistahan upang magsisamba:
Ang mga ito nga'y nagsilapit kay Felipe, na taga Betsaida ng Galilea, at nagsipamanhik sa kaniya, na sinasabi, Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus.
Lumapit si Felipe at sinabi kay Andres: lumapit si Andres, at si Felipe, at kanilang sinabi kay Jesus.
At sinagot sila ni Jesus, na nagsasabi, Dumating na ang oras, na ang Anak ng tao ay luluwalhatiin.
Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ay natitira siyang magiisa; nguni't kung mamatay, ay nagbubunga ng marami.
Ang umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang napopoot sa kaniyang buhay sa sanglibutang ito ay maiingatan yaon sa buhay na walang hanggan.
Kung ang sinomang tao'y naglilingkod sa akin, ay sumunod sa akin; at kung saan ako naroroon, ay doon naman doroon ang lingkod ko: kung ang sinomang tao'y maglingkod sa akin, ay siya'y pararangalan ng Ama.
Ngayon ay nagugulumihanan ang aking kaluluwa; at ano ang aking sasabihin? Ama, iligtas mo ako sa oras na ito. Nguni't dahil dito ay naparito ako sa oras na ito.
Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan. Dumating nga ang isang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin.
Ang karamihan ngang nangaroroon, at nangakarinig, ay nagsipagsabing kumulog: sinabi ng mga iba, Isang anghel ang nakipagusap sa kaniya.
Sumagot si Jesus at sinabi, Ang tinig na ito'y hindi dumating dahil sa akin, kundi dahil sa inyo.
Ngayon ang paghatol sa sanglibutang ito: ngayon ang prinsipe ng sanglibutang ito ay palalayasin.
At ako, kung ako'y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay palalapitin ko sa akin din.
Datapuwa't ito'y sinabi niya, na ipinaaalam kung sa anong kamatayan ang ikamamatay niya.
Sinagot nga siya ng karamihan, Aming narinig sa kautusan na ang Cristo ay lumalagi magpakailan man: at paanong sinasabi mo, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay mataas? sino ang Anak ng taong ito?
Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Kaunting panahon na lamang sasagitna ninyo ang ilaw. Kayo'y magsilakad samantalang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng kadiliman: at ang lumalakad sa kadiliman ay hindi nalalaman kung saan siya tutungo.
Samantalang nasa inyo ang ilaw, ay magsisampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw.
Ang mga bagay na ito'y sinalita ni Jesus, at siya'y umalis at nagtago sa kanila.