Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Jeremias 25:15-38

Jeremias 25:15-38 RTPV05

Ito ang mga sinabi sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: “Kunin mo sa kamay ko ang kopang ito na punô ng alak ng kapootan, at ipainom mo sa lahat ng bansang papupuntahan ko sa iyo. Iinumin nila ito, sila'y malalasing at mababaliw sa tindi ng parusang ipadadala ko sa kanila.” Kaya kinuha ko ang kopa sa kamay ni Yahweh, at ipinainom sa lahat ng bansang pinapuntahan niya sa akin. Pinainom ko ang Jerusalem at ang mga lunsod ng Juda, kasama ng kanilang mga hari at mga pinuno, upang sila'y mawasak nang lubusan at maging nakakatakot pagmasdan. Sila'y kukutyain at ang mga pangalan nila'y gagamiting pansumpa. Nanatili silang gayon hanggang ngayon. Pinainom ko rin ang Faraon, hari ng Egipto, pati kanyang mga lingkod at pinuno, lahat ng kanyang nasasakupan, at ang mga dayuhang nakikipamayan sa kanila; gayon din ang lahat ng hari sa lupain ng Uz, at lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo na taga-Ascalon, Gaza, Ekron at ang natira sa Asdod; ang Edom, Moab, at ang mga anak ni Ammon; lahat ng hari sa Tiro, sa Sidon, at sa mga pulo sa ibayong-dagat; sa mga Lunsod ng Dedan, Tema, Buz, at lahat ng nagpaputol ng kanilang buhok; lahat ng hari sa Arabia at ng magkakahalong liping nasa disyerto; lahat ng hari ng Zimri, ng Elam at ng Media, lahat ng hari sa hilaga, malayo man o malapit, at lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Pagkatapos nilang lahat, ang hari ng Babilonia ang huling iinom sa kopang ito. Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Sabihin mo sa mga tao: ‘Uminom kayo at magpakalasing hanggang sa kayo'y magkandasuka; mabubuwal kayo at hindi na makakabangon, sapagkat dumarating na ang digmaang padala ko sa inyo.’ Kapag tinanggihan nila ang hawak mong alak, sasabihin mo sa kanila: ‘Sinasabi ni Yahweh na kailangang inumin ninyo ito. Una kong paparusahan ang lunsod na tinawag sa aking pangalan; at paano kayo makakaligtas sa parusa? Hindi kayo makakaligtas sa parusa sapagkat padadalhan ko ng digmaan ang lahat ng naninirahan sa lupa. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.’ “Kaya sabihin mo sa kanila ang lahat ng aking sinabi: ‘Si Yahweh ay magsasalita mula sa kaitaasan, mula sa kanyang banal na tahanan; dadagundong ang kanyang tinig sa kalangitan, at aalingawngaw sa buong daigdig gaya ng sigawan ng mga lalaking gumagawa sa pisaan ng ubas. Ang ingay ay aabot sa lahat ng panig ng sanlibutan. Sapagkat hahatulan niya ang mga bansa, gayon din ang buong sangkatauhan; ang masasama ay kanyang lilipulin. Ito ang sabi ni Yahweh.’” Ganito ang sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: “Ang sakuna ay lumalaganap na sa bawat bansa, parang malakas na bagyong dumarating mula sa pinakamalayong panig ng sanlibutan. Sa araw na yaon, ang buong daigdig ay mapupuno ng bangkay ng mga pinatay ni Yahweh. Hindi na sila tatangisan, titipunin, o ililibing; magiging dumi na lamang sila sa ibabaw ng lupa!” Tumangis kayo, mga pastol, umiyak kayo nang malakas! Maglagay kayo ng abo sa inyong ulo, kayong tagapag-alaga ng kawan. Oras na ng pagtungo ninyo sa patayan, at papatayin din kayong gaya ng mga tupa. Walang matatakbuhan ang mga pastol; hindi makakatakas ang mga tagapag-alaga ng kawan. Pakinggan ninyo ang iyakan ng mga pastol, at ang panangisan ng mga tagapag-alaga ng kawan. Sinasalakay na ni Yahweh ang dating matiwasay na pastulan. Ang lahat ng tupa sa kawan ay pinuksa dahil sa matinding poot ni Yahweh. Iniwan niya ang kanyang bayan, gaya ng isang leon na umalis sa kanyang yungib. Naging ilang ang lupain dahil sa digmaan at matinding poot ni Yahweh.