Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel, sa akin, “Kunin mo sa aking kamay itong saro ng alak ng poot, at painumin mo ang lahat ng bansa na pinagsuguan ko sa iyo.
Sila'y iinom at magpapagiray-giray, at mauulol dahil sa tabak na aking ibibigay sa kanila.”
Kaya't kinuha ko ang saro mula sa kamay ng PANGINOON, at pinainom ko ang lahat ng mga bansang pinagsuguan sa akin ng PANGINOON:
ang Jerusalem at ang mga bayan ng Juda, ang mga hari at mga pinuno nito, upang gawin silang giba, katatakutan, kakutyaan at sumpa gaya ng sa araw na ito;
Si Faraon na hari ng Ehipto, ang kanyang mga lingkod, mga pinuno, at ang buong sambayanan niya;
at ang lahat ng mga dayuhang kasama nila, ang lahat ng hari sa lupain ng Uz, at ang lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo, (Ascalon, Gaza, at ang Ekron, at ang nalabi sa Asdod);
ang Edom, Moab, at ang mga anak ni Ammon;
lahat ng mga hari ng Tiro, lahat ng mga hari ng Sidon, at ang mga hari sa baybayin sa kabila ng dagat;
ang Dedan, Tema, Buz, at ang lahat ng nagpuputol ng mga sulok ng kanilang buhok;
lahat ng mga hari ng Arabia at ang lahat ng mga hari ng halu-halong lipi na naninirahan sa disyerto;
lahat ng mga hari ng Zimri, lahat ng mga hari ng Elam, lahat ng mga hari ng Media;
lahat ng mga hari sa hilaga, malayo at malapit, na magkakasunod; at ang lahat ng mga kaharian sa daigdig, na nasa ibabaw ng lupa. Pagkatapos nila ang hari ng Sheshach ay iinom.
“At iyong sasabihin sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kayo'y uminom, magpakalasing, at magsuka. Mabuwal kayo at huwag nang bumangon pa, dahil sa tabak na aking ibibigay sa inyo.’
“At kung ayaw nilang tanggapin ang saro sa iyong kamay upang inuman, sasabihin mo nga sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Kailangang uminom kayo!
Sapagkat narito, ako'y nagsisimulang gumawa ng kasamaan sa lunsod na tinatawag sa aking pangalan, at kayo ba'y aalis na hindi mapaparusahan? Kayo'y tiyak na parurusahan sapagkat ako'y tumatawag ng tabak laban sa lahat ng naninirahan sa lupa, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo.’
“Kaya ikaw ay magsasalita ng mga salitang propesiyang ito laban sa kanilang lahat at sabihin mo sa kanila:
‘Ang PANGINOON ay dadagundong mula sa itaas,
at ilalakas ang kanyang tinig mula sa kanyang banal na tahanan;
siya'y uungol nang malakas laban sa kanyang kawan;
siya'y sisigaw, gaya ng mga pumipisa ng ubas,
laban sa lahat ng naninirahan sa lupa.
Ang ingay ay aabot hanggang sa mga dulo ng lupa;
sapagkat ang PANGINOON ay may usapin laban sa mga bansa,
siya'y pumapasok sa paghatol kasama ng lahat ng laman.
Tungkol sa masasama, sila'y ibibigay niya sa tabak, sabi ng PANGINOON.’
“Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo:
Narito, ang kasamaan ay lumalaganap sa mga bansa
at isang malakas na bagyo ay namumuo
mula sa pinakamalayong bahagi ng daigdig!
“At ang mapapatay ng PANGINOON sa araw na iyon ay magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo. Sila'y hindi tataghuyan, o titipunin, o ililibing man; sila'y magiging dumi sa ibabaw ng lupa.
“Humagulhol kayo, mga pastol, at sumigaw;
at gumulong kayo sa abo, kayong mga panginoon ng kawan;
sapagkat ang mga araw ng pagkatay sa inyo at pangangalat ninyo ay dumating na,
at kayo'y babagsak na parang piling sisidlan.
Walang daang matatakbuhan ang mga pastol,
o pagtakas man para sa mga panginoon ng kawan.
Pakinggan ninyo ang sigaw ng mga pastol,
at ang hagulhol ng mga panginoon ng kawan!
Sapagkat sinisira ng PANGINOON ang kanilang pastulan,
at ang payapang mga kulungan ay nasasalanta
dahil sa mabangis na galit ng PANGINOON.
Gaya ng leon ay iniwan niya ang kanyang kublihan,
sapagkat ang kanilang lupain ay nasira
dahil sa tabak ng manlulupig,
at dahil sa kanyang mabangis na galit.”