Ang aklat na ito ay naglalaman ng pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias.
Makinig ang kalangitan gayundin ang kalupaan,
sapagkat si Yahweh ay nagsasalita,
“Pinalaki ko't inalagaan ang aking mga anak,
ngunit naghimagsik sila laban sa akin.
Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon,
at ng asno kung saan siya pinapakain ng kanyang amo;
ngunit hindi ako nakikilala ng Israel,
hindi ako nauunawaan ng aking bayan.”
Bansang makasalanan,
mga taong puno ng kasamaan,
mga anak ng masasamang tao,
mga anak ng katiwalian!
Itinakwil ninyo si Yahweh,
nilait ang Banal na Diyos ng Israel
at pagkatapos ay tinalikuran ninyo siya.
Bakit patuloy kayong naghihimagsik?
Nais ba ninyong laging pinaparusahan?
Ang isip ninyo'y gulung-gulo,
ang damdamin ninyo'y nanlulumo.
Kayo'y punô ng karamdaman mula ulo hanggang paa;
katawan ninyo'y tadtad ng pasa, latay, at dumudugong sugat.
Ang mga ito'y nagnanaknak na at wala pang benda,
at wala man lamang gamot na mailagay.
Sinalanta ang inyong bayan,
tupok ang inyong mga lunsod,
sinamsam ng mga dayuhan ang inyong mga lupain,
at winasak ang mga ito sa inyong harapan.
Ang Jerusalem lang ang natira,
parang kubong iniwan sa gitna ng ubasan,
parang isang silungan sa gitna ng taniman ng pipino,
parang isang lunsod na kinukubkob ng kalaban.
Kung si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi,
tayo sana'y natulad sa Sodoma at Gomorra.
Mga pinuno ng Israel,
pakinggan ninyo si Yahweh!
Ang inyong mga gawa ay kasinsama
ng sa Sodoma at Gomorra.
Kaya't pakinggan ninyo at pag-aralan
ang katuruan ng Diyos ng ating bayan.
“Walang halaga sa akin ang dami ng inyong mga handog.
Sawa na ako sa mga tupang sinusunog
at sa taba ng bakang inyong inihahandog;
hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro,
mga kordero at mga kambing.
Sinong nag-utos sa inyo na maghandog sa harap ko?
Huwag na ninyong lapastanganin ang aking templo.
Huwag na kayong magdala ng mga handog na walang halaga;
nasusuklam ako sa usok ng insenso.
Nababagot na ako sa inyong mga pagtitipon,
kung Pista ng Bagong Buwan at Araw ng Pamamahinga;
ang mga ito'y walang saysay dahil sa inyong mga kasalanan.
“Labis akong nasusuklam
sa inyong pagdiriwang ng Pista ng Bagong Buwan at ng iba pang kapistahan;
sawang-sawa na ako sa mga iyan
at hindi ko na matatagalan.
Kapag kayo'y nanalangin sa akin,
hindi ko kayo papansinin;
kahit na kayo'y manalangin nang manalangin,
hindi ko kayo papakinggan
sapagkat marami na ang inyong pinaslang.
Linisin ninyo ang inyong sarili at magbalik-loob sa akin;
sa aking harapan, kasamaan ninyo'y inyong tigilan.
Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran;
pairalin ang katarungan;
tulungan ang naaapi;
ipagtanggol ninyo ang mga ulila,
at tulungan ang mga biyuda.