Ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz, na kanyang nakita tungkol sa Juda at Jerusalem, sa mga araw nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias, mga hari ng Juda.
Dinggin mo, O langit, at pakinggan mo, O lupa,
sapagkat nagsalita ang PANGINOON:
“Ako'y nag-alaga at nagpalaki ng mga anak,
ngunit sila'y naghimagsik laban sa akin.
Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon,
at ng asno ang sabsaban ng kanyang panginoon
ngunit ang Israel ay hindi nakakakilala,
ang bayan ko ay hindi nakakaunawa.”
Ah, bansang makasalanan,
bayang punô ng kasamaan,
anak ng mga gumagawa ng kasamaan,
mga anak na gumagawa ng kabulukan!
Tinalikuran nila ang PANGINOON,
hinamak nila ang Banal ng Israel,
sila'y lubusang naligaw.
Bakit kayo'y hahampasin pa,
na kayo'y patuloy sa paghihimagsik?
Ang buong ulo ay may sakit,
at ang buong puso ay nanghihina.
Mula sa talampakan ng paa hanggang sa ulo
ay walang kagalingan,
kundi mga sugat, mga galos,
at sariwang latay;
hindi pa naaampat, o natalian man,
o napalambot man ng langis.
Ang inyong lupain ay giba,
ang inyong mga lunsod ay tupok ng apoy;
ang inyong lupain ay nilalamon ng mga dayuhan sa inyong harapan;
iyon ay giba, tulad nang winasak ng mga dayuhan.
At ang anak na babae ng Zion ay naiwang parang kubol sa isang ubasan,
parang kubo sa taniman ng mga pipino,
parang lunsod na nakubkob.
Malibang ang PANGINOON ng mga hukbo
ay mag-iwan sa atin ng ilang nakaligtas
naging gaya sana tayo ng Sodoma,
at naging gaya sana tayo ng Gomorra.
Pakinggan ninyo ang salita ng PANGINOON,
kayong mga pinuno ng Sodoma!
Makinig kayo sa kautusan ng ating Diyos,
kayong bayan ng Gomorra!
“Ano sa akin ang dami ng inyong mga handog?
sabi ng PANGINOON;
punô na ako sa mga lalaking tupa na handog na sinusunog,
at ang taba ng mga pinatabang baka;
at ako'y hindi nalulugod sa dugo ng mga toro,
mga kordero at ng mga kambing na lalaki.
“Nang kayo'y dumating upang tingnan ang aking mukha,
sinong humiling nito mula sa inyong kamay
na inyong yurakan ang aking mga bulwagan?
Huwag na kayong magdala ng mga walang kabuluhang alay;
ang insenso ay karumaldumal sa akin.
Ang bagong buwan, ang Sabbath, at ang pagtawag ng mga kapulungan—
hindi ko na matiis ang kasamaan at ang banal na pagpupulong.
Ang aking kaluluwa ay namumuhi sa inyong mga bagong buwan at sa inyong mga takdang kapistahan,
ang mga iyan ay pasanin para sa akin.
Ako'y pagod na sa pagpapasan ng mga iyan.
Kapag inyong iniunat ang inyong mga kamay,
ikukubli ko ang aking mga mata sa inyo;
kahit na marami ang inyong panalangin,
hindi ako makikinig;
ang inyong mga kamay ay punô ng dugo.
Maghugas kayo ng inyong sarili, maglinis kayo;
alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa
sa aking paningin;
tumigil kayo sa paggawa ng kasamaan,
matuto kayong gumawa ng mabuti;
inyong hanapin ang katarungan,
inyong ituwid ang paniniil;
inyong ipagtanggol ang mga ulila,
ipaglaban ninyo ang babaing balo.