Nalipol ang aking bayan dahil sa kamangmangan;
sapagkat itinakwil ninyo ang karunungan,
itinatakwil ko rin kayo bilang pari.
At dahil kinalimutan ninyo ang kautusan ng inyong Diyos,
kalilimutan ko rin ang inyong mga anak.
“Habang dumarami ang mga pari,
lalo naman silang nagkakasala
sa akin;
kaya gagawin kong kahihiyan ang kanilang kadakilaan.
Yumayaman sila dahil sa kasalanan ng mga tao;
nabubusog sila sa kasamaan ng aking bayan.
At gayon nga ang nangyayari, kung ano ang pari, gayundin ang bayan.
Kaya't paparusahan ko sila at pagbabayarin,
dahil sa kanilang kasamaan.
Sila'y kakain, ngunit hindi mabubusog;
makikipagtalik sila sa mga babae sa templo, ngunit hindi sila magkakaanak;
sapagkat itinakwil nila si Yahweh
at sila'y bumaling sa ibang mga diyos.”
“Ang alak, luma man o bago,
ay nakakasira ng pang-unawa.
Sumasangguni ang aking bayan sa diyus-diyosang kahoy; itinatanong nila sa haliging kahoy kung ano ang dapat gawin.
Sinasagot sila sa pamamagitan ng tungkod.
Sila'y iniligaw ng masamang pamumuhay,
at ipinagpalit nila sa kahalayan ang kanilang Diyos.
Nag-aalay sila ng mga handog na susunugin sa mga sagradong bundok,
at nagsusunog ng mga handog sa ibabaw ng mga burol,
sumasamba sila sa ilalim ng mga ensina, alamo at roble,
sapagkat mayabong ang mga ito at malawak ang lilim.
Kaya't nakikipagtalik kahit kanino ang iyong mga anak na dalaga,
at nangangalunya naman ang mga manugang mong babae.
Gayunman, hindi ko paparusahan ang iyong mga anak na dalaga kahit sila'y magpakasama.
Gayundin ang iyong mga manugang kahit na sila'y mangalunya;
sapagkat ang mga lalaki ay nakikipagtalik din sa mga babae sa templo,
at kasama nilang naghahandog sa mga diyus-diyosan.
Ganyan winawasak ng mga taong hangal ang kanilang sarili.
“Bagaman ikaw ay nangalunya, O Israel,
hindi naman kailangang papanagutin din ang Juda.
Huwag kang pumasok sa Gilgal,
ni umakyat sa Beth-aven;
at huwag kang sumumpa ng, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy.’
Matigas ang ulo ng Israel,
tulad ng dumalagang baka.
Kaya't pakakainin pa ba sila ni Yahweh
tulad ng mga tupang dinadala niya sa maluwang na pastulan?
Nakiisa sa mga diyus-diyosan ang Efraim;
pabayaan mo na siya.
Bagaman ubos na ang kanilang alak, patuloy pa rin sila sa pangangalunya;
higit nilang nais ang kahihiyan kaysa karangalan.
Tatangayin sila ng malakas na hangin,
at mapapahiya sila nang labis dahil sa kanilang handog sa mga diyus-diyosan.