Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Hebreo 10:1-10

Mga Hebreo 10:1-10 RTPV05

Ang Kautusan ay anino lamang at hindi lubos na naglalarawan ng mabubuting bagay na darating. Hindi ito nagpapabanal sa mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay taun-taon. Kung napatawad na nga ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ganoong mga handog, wala na sana silang dapat alalahanin, at hindi na sila kailangang mag-alay pang muli. Ngunit ang mga alay na ito ang nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasalanan taun-taon, sapagkat ang dugo ng mga toro at mga kambing ay hindi makakapawi ng mga kasalanan. Dahil diyan, nang si Cristo'y naparito sa daigdig, sinabi niya sa Diyos: “Ang mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin, hindi mo na ibig sa dambana dalhin, hindi mo kinalugdan ang mga handog na sinusunog, at ang mga handog upang pawiin ang kasalanan. Kaya't inihanda mo ang aking katawan upang maging handog. Kaya't sinabi ko, ‘Ako'y narito, O Diyos, upang sundin ang iyong kalooban,’ ayon sa sinasabi ng kasulatan tungkol sa akin.” Sinabi muna niya, “Hindi mo ninais o kinalugdan ang mga alay at handog na hayop, mga handog na susunugin, at mga handog dahil sa kasalanan” kahit ito'y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya idinugtong, “Ako'y narito upang sundin ang iyong kalooban.” Sa ganitong paraan, inalis nga ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Cristo. At dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos, tayo ay ginawang banal ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng minsanan at sapat na paghahandog ng kanyang sarili.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya