Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

HEBREO 10:1-10

HEBREO 10:1-10 ABTAG01

Yamang ang kautusan ay anino lamang ng mabubuting bagay na darating, at hindi ang tunay na larawan ng mga bagay na ito, kailanman ay hindi nito mapapasakdal ang mga lumalapit sa pamamagitan ng gayunding mga alay na laging inihahandog taun-taon. Sapagkat kung di gayon, hindi ba sana ay itinigil nang ihandog ang mga iyon? Kung ang mga sumasamba na nalinis nang minsan, sana ay hindi na sila nagkaroon pa ng kamalayan sa kasalanan. Ngunit sa pamamagitan ng mga handog na ito ay may pagpapaalala ng mga kasalanan taun-taon. Sapagkat hindi maaaring mangyari na ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay makapag-alis ng mga kasalanan. Kaya't pagdating ni Cristo sa sanlibutan ay sinabi niya, “Hindi mo nais ang alay at handog, ngunit ipinaghanda mo ako ng isang katawan; sa mga handog na sinusunog at sa mga handog para sa mga kasalanan ay hindi ka nalugod. Kaya't sinabi ko, ‘Narito, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos,’ sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin.” Nang sabihin niya sa itaas na, “Hindi mo ibig at hindi mo rin kinalugdan ang alay at mga handog, at mga buong handog na sinusunog at mga alay para sa kasalanan” na inihahandog ayon sa kautusan, pagkatapos ay idinagdag niya, “Narito, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban.” Inalis niya ang una, upang maitatag ang ikalawa, at sa pamamagitan ng kalooban niya tayo'y ginawang banal sa pamamagitan ng pag-aalay ng katawan ni Cristo minsan magpakailanman.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya