Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 47:1-12

Genesis 47:1-12 RTPV05

Isinama ni Jose ang lima sa kanyang mga kapatid at nagpunta sa Faraon. Sinabi niya, “Dumating na po ang aking ama't mga kapatid buhat sa Canaan, dala ang kanilang mga kawan, at lahat ng ari-arian. Naroon po sila ngayon sa Goshen.” At ipinakilala niya sa Faraon ang kanyang mga kapatid. Tinanong sila ng Faraon, “Ano ang trabaho ninyo?” “Kami po'y mga pastol, tulad ng aming mga ninuno,” tugon nila. “Nakarating po kami rito sapagkat sa amin sa Canaan ay wala na kaming mapagpastulan. Kung maaari po, doon na ninyo kami patirahin sa lupain ng Goshen.” Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ngayong narito na ang iyong ama at mga kapatid, at ikaw naman ang namamahala sa buong Egipto, ibigay mo sa kanila ang pinakamainam na lupain. Doon mo sila patirahin sa Goshen. Kung may mapipili kang mahuhusay na pastol, sila ang pamahalain mo sa aking mga kawan.” Isinama ni Jose ang kanyang ama sa palasyo at pagdating doo'y binasbasan ni Jacob ang Faraon. “Ilang taon na kayo?” tanong ng Faraon kay Jacob. Sumagot siya, “Umabot na po sa 130 taon ang aking pagpapalipat-lipat ng tahanan. Maikli at mahirap ang aking naging buhay dito sa lupa. Malayung-malayo sa naging buhay ng aking mga ninuno.” Matapos magpaalam sa Faraon, umalis na si Jacob. Sa utos ng Faraon, ibinigay ni Jose sa kanyang ama at mga kapatid ang pinakamabuting lupain ng Rameses sa bansang Egipto. Ang buong sambahayan ni Jacob hanggang sa kaliit-liitan ay kinalinga ni Jose.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya