Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 47:2-12

Genesis 47:2-12 ASND

Ipinakilala niya agad sa Faraon ang lima sa kanyang kapatid. Tinanong sila ng Faraon, “Ano ang trabaho ninyo?” Sumagot sila, “Mga pastol po kami ng hayop, katulad ng mga magulang namin. Pumunta kami rito para pansamantalang manirahan dahil matindi po ang taggutom sa Canaan, at wala na kaming mapagpastulan ng mga hayop namin. Hinihiling po namin sa inyo na kung maaari ay payagan nʼyo kaming manirahan sa Goshen.” Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ngayong dumating na ang iyong ama at mga kapatid, nakabukas ang Egipto para sa pamilya ninyo. Patirahin sila sa Goshen, na isa sa magagandang lupain sa Egipto. Kung may mapipili ka sa kanila na mapagkakatiwalaan, gawin silang tagapagbantay ng mga hayop ko.” Dinala ni Jose ang kanyang ama sa Faraon at ipinakilala. Pagkatapos, binasbasan ni Jacob ang Faraon. Tinanong siya ng Faraon, “Ilang taon ka na?” Sumagot siya, “130 taon. Maikli at mahirap po ang naging buhay ko rito sa lupa. Hindi ito umabot sa kahabaan ng buhay ng aking mga ninuno.” Pagkatapos, muli niyang binasbasan ang Faraon, at umalis siya sa harapan ng Faraon. Ayon sa utos ng Faraon, inilagay ni Jose sa ayos ang kanyang ama at mga kapatid sa Egipto; ibinigay niya sa kanila ang lugar ng Rameses, na isa sa pinakamagandang lupain sa Egipto. Sinustentuhan ni Jose ng pagkain ang kanyang ama, mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama ayon sa dami ng kanilang mga anak.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya