Pagkaraan ng dalawang taon, ang Faraon naman ang nanaginip. Napanaginipan niyang siya'y nakatayo sa pampang ng Ilog Nilo. Walang anu-ano'y may pitong magaganda't matatabang bakang umahon sa ilog at nanginain ng damo. Umahon din mula sa ilog na iyon ang pitong pangit at payat na baka. Lumapit ang mga ito at kinain ang pitong matatabang baka. At nagising ang Faraon. Nakatulog siyang muli at nanaginip na naman. May pitong uhay na tumubo sa isang puno ng trigo. Malalaki at matataba ang mga butil nito. Pagkatapos, may sumibol na pitong uhay. Ang mga ito ay payat at tuyot ang mga butil dahil sa hampas ng hanging silangan. Kinain ng mga payat ang matatabang uhay, at muling nagising ang Faraon. Noon niya nalamang siya pala'y nananaginip. Pagsapit ng umaga, nabagabag siya, kaya't ipinatawag niyang lahat ang mga salamangkero at mga matatalinong tao sa buong Egipto. Isinalaysay niya ang kanyang mga panaginip, ngunit isa ma'y walang makapagpaliwanag ng kahulugan ng mga ito. Lumapit sa Faraon ang tagapangasiwa ng mga inumin at sinabi sa kanya, “Ako po'y may malaking pagkukulang na nagawa. Nang magalit po kayo sa amin ng punong panadero at ipabilanggo ninyo kami sa tahanan ng kapitan ng mga tanod, kami po'y parehong nanaginip. Isa pong binatang Hebreo na alipin ng kapitan ng mga tanod ang kasama namin doon. Siya po ang nagpaliwanag ng aming panaginip. Sinabi po niyang ako'y mababalik sa tungkulin at ang punong panadero'y bibitayin; nangyari pong lahat ang kanyang sinabi.” Ipinatawag agad ng Faraon si Jose. Nang mailabas na sa bilangguan, siya'y nag-ahit, nagbihis at kaagad humarap sa hari. Sinabi ng Faraon sa kanya, “Ako'y nanaginip ngunit walang makapagsabi sa akin ng kahulugan niyon. Nabalitaan kong mahusay kang magpaliwanag ng mga panaginip.” “Hindi po ako ang makapagpapaliwanag, kamahalan,” sabi ni Jose. “Ang Diyos po ang siyang magbibigay ng katugunan sa inyong katanungan.”
Basahin Genesis 41
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Genesis 41:1-16
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas