Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 41:1-16

GENESIS 41:1-16 ABTAG

At nangyari, sa katapusan ng dalawang taong ganap, na si Faraon ay nanaginip: at, narito, na siya'y nakatayo sa tabi ng ilog. At, narito may nagsiahon sa ilog na pitong bakang magagandang anyo at matatabang laman; at nanginain sa talahiban. At, narito, na ibang pitong baka, na nagsiahon sa ilog na nasa likuran nila, mga pangit na anyo, at payat; at nagsihinto roon sa tabi ng mga unang baka, sa tabi ng ilog. At ang pitong bakang magagandang anyo at matataba, ay nilamon ng mga bakang pangit ang anyo at payat. Sa gayo'y nagising si Faraon. At siya'y natulog at nanaginip na bilang ikalawa; at, narito may sumupling na pitong uhay na mabibintog at mabubuti, na may isa lamang tangkay. At, narito, may pitong uhay na payat at tinutuyo ng hanging silanganan, na nagsitubong kasunod ng mga yaon. At nilamon ng mga uhay na payat ang pitong uhay na mabibintog at malulusog. At nagising si Faraon, at, narito, isang panaginip. At nangyari, sa kinaumagahan, na ang kaniyang diwa ay nagulumihanan at siya'y nagsugo at kaniyang ipinatawag ang lahat ng mago sa Egipto, at ang lahat ng pantas doon: at isinaysay ni Faraon sa kanila ang kaniyang panaginip: datapuwa't walang makapagpaliwanag kay Faraon. Nang magkagayo'y nagsalita ang puno ng mga katiwala kay Faraon, na sinasabi, Naaalaala ko sa araw na ito ang aking mga sala: Nguni't si Faraon laban sa kaniyang mga alila, at ibinilanggo ako sa bahay ng kapitan ng bantay, ako at ang puno ng mga magtitinapay. At nanaginip kami ng panaginip sa isang gabi, ako at siya: kami ay kapuwa nanaginip ayon sa kapaliwanagan ng panaginip ng isa't isa sa amin. At nandoong kasama namin ang isang binata, isang Hebreo, na alipin ng kapitan ng bantay; at siya naming pinagsaysayan, at kaniyang ipinaliwanag sa amin ang aming panaginip; ipinaliwanag niya ayon sa panaginip ng bawat isa sa amin. At nangyari, na kung paano ang kaniyang pagkapaliwanag sa amin, ay nagkagayon; ako'y pinabalik sa aking katungkulan, at ipinabitin ang isa. Nang magkagayo'y nagsugo si Faraon at ipinatawag si Jose, at siya'y inilabas na madalian sa bilangguan: siya'y nagahit at nagbihis ng suot, at naparoon kay Faraon. At sinabi ni Faraon kay Jose, Ako'y nanaginip ng isang panaginip, at walang makapagpaliwanag: at nabalitaan kita, na pagkarinig mo ng isang panaginip ay naipaliwanag mo. At sumagot si Jose kay Faraon, na sinasabi, Wala sa akin; Dios ang magbibigay ng sagot sa kapayapaan kay Faraon.