Nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglalakbay hanggang sa dumating siya sa lupain ng mga taga-Silangan. May nakita siyang isang balon ng tubig sa kaparangan. Sa paligid nito'y may tatlong kawan ng mga tupang nagpapahinga, sapagkat doon pinapainom ang mga ito. Ang balon ay may takip na malaking bato, at binubuksan lamang ito kapag papainumin na ang mga tinipong kawan. Matapos painumin ang mga ito, muli nilang tinatakpan ang balon. Tinanong ni Jacob ang mga pastol na naroon, “Tagasaan kayo, mga kaibigan?” “Taga-Haran,” tugon nila. “Kilala ba ninyo si Laban na apo ni Nahor?” tanong niyang muli. “Oo,” sagot naman nila. “Kumusta na siya?” tanong pa niya. “Mabuti,” sabi naman nila. “Hayun at dumarating si Raquel, ang anak niyang dalaga! Kasama niya ang kawan ng kanyang ama.” “Maaga pa naman,” sabi ni Jacob, “bakit hindi ninyo painumin ang mga tupa at dalhin muna sa pastulan bago ikulong?” “Aba, hindi maaari!” sagot ng mga pastol. “Ang lahat ng pastol ay kailangang narito bago buksan ang balon; saka pa lamang kami maaaring magpainom.” Nakikipag-usap pa si Jacob nang dumating si Raquel na kasama ang kawan ng kanyang ama. Nang makita ni Jacob si Raquel na kasama ang kawan ni Laban, binuksan ni Jacob ang balon at pinainom ang mga tupa. Pagkatapos, nilapitan niya ang dalaga at hinagkan; napaiyak siya sa tuwa. Sinabi niya, “Ako'y pamangkin ng iyong ama, anak ng iyong Tiya Rebeca!” Patakbong umuwi si Raquel at ibinalita ito sa ama. Sinalubong naman agad ni Laban ang kanyang pamangkin. Niyakap niya ito at hinagkan, saka isinama sa kanila. Nang maisalaysay ni Jacob ang lahat, sinabi sa kanya ni Laban, “Tunay na ikaw ay laman ng aking laman at dugo ng aking dugo!” At doon na siya tumira sa loob ng isang buwan.
Basahin Genesis 29
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Genesis 29:1-14
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas