Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 29:1-14

GENESIS 29:1-14 ABTAG01

Nang magkagayo'y nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglalakbay, at nagtungo sa lupain ng mga tao sa silangan. Siya'y tumingin at nakakita ng isang balon sa parang. May tatlong kawan ng mga tupa na nagpapahinga sa tabi roon, sapagkat sa balong iyon pinaiinom ang mga kawan. Ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon ay napakalaki, at kapag nagkakatipon doon ang lahat ng kawan, iginugulong ng mga pastol ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon, at pinaiinom ang mga tupa, at muling inilalagay ang bato sa kanyang lugar sa ibabaw ng balon. Sinabi sa kanila ni Jacob, “Mga kapatid ko, taga-saan kayo?” At kanilang sinabi, “Taga-Haran kami.” Sinabi niya sa kanila, “Kilala ba ninyo si Laban na anak ni Nahor?” At kanilang sinabi, “Kilala namin siya.” Sinabi niya sa kanila, “Siya ba'y mabuti ang kalagayan?” At kanilang sinabi, “Oo; at narito ang kanyang anak na si Raquel na dumarating kasama ang mga tupa!” Sinabi niya, “Tingnan ninyo, maaga pa, hindi pa oras upang tipunin ang mga hayop; painumin ninyo ang mga tupa, at inyo silang pastulin.” Subalit sinabi nila, “Hindi namin magagawa hangga't hindi natitipong lahat ang kawan, at maigulong ang bato mula sa labi ng balon; at saka lamang namin paiinumin ang mga tupa.” Samantalang nakikipag-usap pa siya sa kanila, dumating si Raquel kasama ang mga tupa ng kanyang ama; sapagkat siya ang nag-aalaga ng mga iyon. Nang makita ni Jacob si Raquel na anak ni Laban, na kapatid ng kanyang ina, at ang mga tupa ni Laban, lumapit si Jacob at iginulong ang bato mula sa labi ng balon at pinainom ang kawan ni Laban. Hinagkan ni Jacob si Raquel at umiyak nang malakas. Sinabi ni Jacob kay Raquel na siya'y kamag-anak ni Laban na kanyang ama, at anak siya ni Rebecca. Kaya't tumakbo si Raquel at sinabi sa kanyang ama. Nang marinig ni Laban ang balita ni Jacob na anak ng kanyang kapatid, tumakbo siya upang salubungin si Jacob at ito ay kanyang niyakap, hinagkan, at dinala sa kanyang bahay. Isinalaysay ni Jacob kay Laban ang lahat ng mga bagay na ito at sinabi sa kanya ni Laban, “Talagang ikaw ay aking buto at aking laman.” At siya'y tumigil doong kasama niya ng isang buwan.