Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 29:1-14

GENESIS 29:1-14 ABTAG

Nang magkagayo'y nagpatuloy si Jacob ng kaniyang paglalakbay, at napasa lupain ng mga anak ng silanganan. At siya'y tumingin, at nakakita ng isang balon sa parang, at narito, may tatlong kawan ng mga tupa na nagpapahinga sa tabi roon: sapagka't sa balong yaon pinaiinom ang mga kawan: at ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon ay malaki. At doon nagkakatipon ang lahat ng kawan: at kanilang iginugulong ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon, at pinaiinom ang mga tupa, at muling inilalagay ang bato sa ibabaw ng labi ng balon, sa dako niyaon. At sinabi sa kanila ni Jacob, Mga kapatid ko, taga saan kayo? At kanilang sinabi, Taga Haran kami. At sinabi niya sa kanila, Nakikilala ba ninyo si Laban na anak ni Nachor? At kanilang sinabi, Nakikilala namin siya. At sinabi niya sa kanila, Siya ba'y mabuti? At, kanilang sinabi, Siya'y mabuti: at, narito, si Raquel na kaniyang anak ay dumarating na dala ang mga tupa. At sinabi niya, Narito, maaga pa, ni hindi oras tipunin ang mga hayop: painumin ninyo ang mga tupa, at inyo silang pasabsabin. At kanilang sinabi, Hindi namin magagawa hanggang sa magkatipon ang lahat ng kawan, at igugulong ang bato mula sa labi ng balon; gayon nga aming pinaiinom ang mga tupa. Samantalang nakikipagusap pa siya sa kanila, ay dumating si Raquel na dala ang mga tupa ng kaniyang ama; sapagka't siya ang nagaalaga ng mga iyon. At nangyari, nang makita ni Jacob si Raquel na anak ni Laban, na kapatid ng kaniyang ina, at ang mga tupa ni Laban na kapatid ng kaniyang ina, na lumapit si Jacob at iginulong ang bato mula sa labi ng balon, at pinainom ang kawan ni Laban, na kapatid ng kaniyang ina. At hinagkan ni Jacob si Raquel; at humiyaw ng malakas at umiyak. At kay Raquel ay sinaysay ni Jacob na siya'y kapatid ni Laban, na kaniyang ama, at anak siya ni Rebeca: at siya'y tumakbo at isinaysay sa kaniyang ama. At nangyari, nang marinig ni Laban ang mga balita tungkol kay Jacob, na anak ng kaniyang kapatid, ay tumakbo siya na kaniyang sinalubong, at kaniyang niyakap at kaniyang hinagkan, at kaniyang dinala sa kaniyang bahay. At isinaysay ni Jacob kay Laban ang lahat ng mga bagay na ito. At sinabi sa kaniya ni Laban, Tunay na ikaw ay aking buto at aking laman. At dumoon sa kaniyang isang buwan.