Matandang-matanda na noon si Abraham, at pinagpapalang mabuti ni Yahweh. Sinabi niya sa pinakamatanda niyang alipin na kanyang katiwala, “Ilagay mo ang iyong kamay sa pagitan ng aking mga hita at manumpa ka. Sumumpa ka sa akin sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng langit at ng lupa, na hindi ka rito sa Canaan pipili ng mapapangasawa ng aking anak na si Isaac. Pumunta ka sa bayan kong tinubuan, at pumili ka sa aking mga kamag-anak doon ng mapapangasawa niya.”
“Kung ayaw pong sumama ng mapipili ko, maaari po bang si Isaac na ang papuntahin doon?” tanong ng alipin.
“Aba, hindi! Huwag mong papupuntahin doon si Isaac,” tugon ni Abraham. “Nilisan ko ang tahanan ng aking ama at iniwan ang lupain ng aking mga kamag-anak sapagkat dito ako pinapunta ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan. Nangako siyang ibibigay ang lupaing ito sa aking lahi. Magsusugo siya ng kanyang anghel na mauuna sa iyo upang tulungan ka sa pagpili ng mapapangasawa ng aking anak. Ngayon, kung ayaw sumama ng mapipili mo, wala ka nang pananagutan sa akin. Ngunit huwag mong papuntahin doon ang anak ko!” Kaya't inilagay ng alipin ang kanyang kamay sa pagitan ng hita ng panginoon niyang si Abraham, at nanumpang susundin ito.
Naghanda ang alipin ng sampung kamelyo ng kanyang panginoon. Matapos kargahan ng maraming panregalo, naglakbay siya patungong Mesopotamia, sa lunsod na tinitirhan ni Nahor. Pagsapit sa labas ng lunsod, huminto siya at pinaluhod ang mga kamelyo sa tabi ng balon ng tubig na naroon. Sa gayong oras, tuwing magdarapit-hapon, dumarating ang mga babae para umigib. Siya'y nanalangin nang ganito: “Yahweh, Diyos ng panginoon kong si Abraham, maging matagumpay nawa ang aking lakad; tuparin po ninyo ang inyong pangako sa aking panginoong si Abraham. Tatayo po ako rito sa tabi ng balon at hihintayin ang pagdating ng mga babae buhat sa lunsod, para umigib. Ako po'y makikiinom sa isa sa kanila. Kapag sinabi niyang, ‘Uminom ka, at paiinumin ko rin ang iyong mga kamelyo,’ iyon na sana ang babaing inihanda ninyo para sa inyong aliping si Isaac. Sa gayon malalaman kong tinupad na ninyo ang inyong pangako sa aking panginoon.”
Hindi pa natatapos ang kanyang panalangin, dumating si Rebeca na may pasan na banga ng tubig. Siya ay anak ni Bethuel at apo ni Milca na asawa ni Nahor na kapatid ni Abraham. Siya'y dalaga pa at napakaganda. Lumusong siya sa kinaroroonan ng balon, pinuno ang kanyang banga, at umahon.