Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 24:1-16

GENESIS 24:1-16 ABTAG

At si Abraham ay matanda na, at lipas na sa panahon: at pinagpala ng Panginoon si Abraham sa lahat ng mga bagay. At sinabi ni Abraham sa kaniyang alilang katiwala, sa pinakamatanda sa kaniyang bahay na namamahala ng lahat niyang tinatangkilik: Ipinamamanhik ko sa iyo na ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita: At ikaw ay aking pasusumpain, alangalang sa Panginoon sa Dios ng langit at Dios ng lupa, na hindi mo papag-aasawahin ang aking anak sa mga anak ng mga Cananeo na siyang aking pinakikitahanan: Kundi ikaw ay paroroon sa aking lupain, at sa aking kamaganakan, at papag-aasawahin mo roon ang aking anak na si Isaac. At sinabi sa kaniya ng lingkod, Sakaling hindi iibigin ng babae na sumama sa akin sa lupaing ito: dapat ko bang ibalik ang anak mo sa lupaing pinanggalingan mo? At sinabi sa kaniya ni Abraham, Ingatan mong huwag ibalik doon ang aking anak. Ang Panginoon, ang Dios ng langit, na kumuha sa akin sa bahay ng aking ama, at sa lupaing aking tinubuan, at sa akin ay nagsalita, at sa akin ay sumumpa, na nagsasabi, Sa iyong binhi, ibibigay ko ang lupaing ito: ay magsusugo siya ng kaniyang anghel sa unahan mo, at papag-aasawahin mo roon ang aking anak. At kung ang babae ay ayaw sumama sa iyo, ay maliligtas ka rito sa aking sumpa; huwag mo lamang pabalikin ang aking anak doon. At inilagay ng alilang katiwala ang kaniyang kamay sa ilalim ng hita ni Abraham na kaniyang panginoon, at sumumpa sa kaniya tungkol sa bagay na ito. At kumuha ang alilang katiwala ng sangpung kamelyo sa mga kamelyo ng kaniyang panginoon, at yumaon; na dala ang pinakamabuti sa lahat ng pagaari ng kaniyang panginoon: at tumindig at napasa Mesopotamia, sa bayan ni Nachor. At kaniyang pinaluhod ang mga kamelyo sa labas ng bayan, sa tabi ng balon ng tubig, ng dakong palubog na ang araw, na kapanahunan nang paglabas ng mga babae upang umigib ng tubig. At sinabi, Oh Panginoon, Dios ng aking panginoong si Abraham, ipinamamanhik ko sa iyong pagkalooban mo ako ng mabuting kapalaran ngayon, at ikaw ay magmagandang loob sa aking panginoong kay Abraham. Narito, ako'y nakatayo sa tabi ng bukal ng tubig: at ang mga anak na babae ng mga tao sa bayan, ay nagsilabas upang umigib ng tubig: At mangyari nga na ang dalagang aking pagsabihan, Ibaba mo, isinasamo ko sa iyo, ang iyong banga upang ako'y uminom; at siya'y magsabi, Uminom ka, at paiinumin ko pati ng iyong mga kamelyo: maging siyang iyong itinalaga sa iyong lingkod na kay Isaac: at sa ganito ay malalaman kong nagmagandang loob ka sa aking panginoon. At nangyari, na bago natapos ang pananalita niya, ay narito si Rebeca na ipinanganak kay Bethuel, na anak ni Milca, na asawa ni Nachor na kapatid ni Abraham na lumalabas na pasan ang kaniyang banga sa kaniyang balikat. At ang babae ay may magandang anyo, dalaga, na hindi pa nasisipingan ng lalake: at lumusong sa bukal, at pinuno ang kaniyang banga, at umahon.