ngunit kami'y umaasa na kami'y magiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya at ito'y sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sa mga nakipag-isa na kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi. Ang mahalaga'y ang pananampalatayang nakikita sa mga gawaing udyok ng pag-ibig.
Mabuti na sana ang inyong ginagawa. Sino ang pumigil sa inyong pagsunod sa katotohanan? Hindi iyan gagawin ng Diyos na tumawag sa inyo. Ang sabi nga, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa ng harina.” Naniniwala akong sasang-ayon kayo sa akin sa bagay na ito, dahil sa ating kaugnayan sa Panginoon. At natitiyak kong paparusahan ng Diyos ang sinumang nanggugulo sa inyo.
Mga kapatid, kung talagang nangangaral pa ako na kailangan ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig hanggang ngayon? Kung iyo'y totoo, hindi na sana nila ikinagagalit ang aking pangangaral tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus. Mabuti pa'y tuluyan nang magpakapon ang mga nanggugulo sa inyo at hindi lang magpatuli.
Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. Sapagkat ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Ngunit kung kayo'y nagkakagatan at nagsasakmalang parang mga hayop, mauubos kayo.
Sinasabi ko sa inyo, ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at hindi kayo magiging alipin ng hilig ng laman. Sapagkat ang mga nasa ng laman ay laban sa kalooban ng Espiritu, at ang kalooban ng Espiritu ay laban sa mga nasa ng laman. Laging naglalaban ang dalawang ito kaya't hindi ninyo magawâ ang nais ninyong gawin. Kung pinapatnubayan kayo ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan.
Hindi maikakaila ang mga hilig ng laman: pakikiapid, kahalayan at kalaswaan; pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot sa isa't isa, pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi, pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at iba pang katulad nito. Muli ko kayong binabalaan: ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos.
Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito. At pinatay na ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang makasariling pagkatao, pati na ang mga masasamang hilig nito. Kung ang Espiritu ang nagbibigay-buhay sa atin, siya na rin ang paghariin natin sa ating buhay. Huwag na tayong maging palalo, huwag na nating galitin ang isa't isa, at huwag na rin tayong mag-inggitan.