Sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa pananampalataya ay naghihintay tayo sa pag-asa ng katuwiran.
Sapagkat kay Cristo Jesus, ang pagtutuli o di-pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.
Kayo ay tumatakbo noon ng mabuti, sino ang humadlang sa inyo sa pagsunod sa katotohanan?
Ang paghikayat na iyon ay hindi nagmula sa tumatawag sa inyo.
Ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa.
Ako'y nagtitiwala sa Panginoon, na hindi kayo mag-iisip ng iba pa. Subalit sinuman siyang nanggugulo sa inyo ay tatanggap ng parusa.
Ngunit ako, mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig? Kung gayon, ang katitisuran ng krus ay inalis na.
Ibig ko sana na ang mga nanggugulo sa inyo ay kapunin nila ang kanilang sarili.
Sapagkat kayo, mga kapatid, ay tinawag sa kalayaan; subalit huwag lamang ninyong gagamitin ang inyong kalayaan bilang isang kadahilanan para sa laman, kundi sa pamamagitan ng pag-ibig ay maging alipin kayo ng isa't isa.
Sapagkat ang buong kautusan ay natutupad sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
Ngunit kung kayo-kayo ang nagkakagatan at nagsasakmalan, mag-ingat kayo, baka kayo'y magkaubusan.
Subalit sinasabi ko, lumakad kayo ayon sa Espiritu, at huwag ninyong bigyang-kasiyahan ang mga pagnanasa ng laman.
Sapagkat ang laman ay nagnanasa laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman; sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa, upang hindi ninyo magawa ang mga bagay na nais ninyong gawin.
Subalit kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, kayo ay wala sa ilalim ng kautusan.
Ngayon ay hayag ang mga gawa ng laman, ang mga ito ay pakikiapid, karumihan, kahalayan,
pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, alitan, pagtatalo, paninibugho, pagkagalit, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, mga pagkakampi-kampi,
pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at ang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, gaya ng aking pagbabala noong una sa inyo, na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.
Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan,
kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Laban sa mga ito ay walang kautusan.
At ipinako sa krus ng mga na kay Cristo Jesus ang laman na kasama ang masasamang pagnanasa at mga kahalayan nito.
Kung tayo'y nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, lumakad din tayo sa patnubay ng Espiritu.
Huwag tayong maging palalo, na ginagalit ang isa't isa at naiinggit sa isa't isa.