Mula sa Elim, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita, at ikalabing limang araw ng ikalawang buwan mula ng sila'y lumabas sa Egipto nang sila'y dumating sa ilang ng Sin, sa pagitan ng Elim at Sinai. Ang mga Israelita'y nagreklamo kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pa sana'y pinatay na kami ni Yahweh sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom.”
Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit. Araw-araw, palalabasin mo ng bahay ang mga tao para mamulot ng kakainin nila sa maghapon. Sa pamamagitan nito'y susubukin ko kung susunod sila sa aking mga tagubilin. Tuwing ikaanim na araw, doble sa karaniwan ang kanilang pupulutin at ihahanda.”
Pagkatapos ng pakikipag-usap nila kay Yahweh, sinabi nina Moises at Aaron sa mga Israelita, “Mamayang gabi, mapapatunayan ninyo na si Yahweh ang naglabas sa inyo sa Egipto. At bukas ng umaga, makikita ninyo ang kanyang kapangyarihan. Narinig niya ang inyong reklamo laban sa kanya. Laban sa kanya, sapagkat tuwing gagawin ninyo ito ay sa kanya kayo nagrereklamo, hindi sa amin.” Idinugtong pa ni Moises, “Mamayang gabi, bibigyan niya kayo ng karne. Bukas ng umaga ay tinapay ang ibibigay niya sa inyo hanggang gusto ninyo. Iyan ang sagot niya sa inyo. Ang totoo, anumang reklamo ninyo ay laban sa kanya, hindi sa amin, sapagkat sino ba kami para pagreklamuhan ninyo?”
Sinabi ni Moises kay Aaron, “Paharapin mo ang buong bayan kay Yahweh sapagkat narinig niya ang kanilang reklamo.” Nang sabihin ito ni Aaron, ang buong bayan ay humarap kay Yahweh, sa gawi ng disyerto, at bigla na lamang nilang nakita sa ulap ang kaluwalhatian ni Yahweh. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Narinig ko ang reklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanila na sa pagtatakip-silim, bibigyan ko sila ng karne. Sa umaga, bibigyan ko sila ng tinapay hanggang gusto nila. Sa gayo'y malalaman nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.”
Nang magtakip-silim, dumagsa sa kampo ang napakaraming pugo. Kinaumagahan naman ay makapal na makapal ang hamog sa paligid ng kampo. Nang mapawi ang hamog, nakakita sila sa lupa ng maliliit at maninipis na mga bagay na parang pinipig. Hindi nila alam kung ano iyon, kaya nagtanungan sila, “Ano ito?”
Sinabi ni Moises, “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ni Yahweh. At ito ang utos niya tungkol diyan: Bawat isa ay kukuha ng kailangan niya at ng mga kasama niya sa tolda, kalahating salop bawat isang tao.”
Namulot nga ang mga Israelita—may kumuha ng marami at may kumuha ng kaunti. Ngunit nang takalin nila ang kanilang nakuha, ang kumuha ng marami ay hindi lumabis, at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang. Sapat lang sa kanila ang kanilang nakuha.