Sila'y naglakbay mula sa Elim, at ang buong kapulungan ng bayan ng Israel ay dumating sa ilang ng Sin na nasa pagitan ng Elim at Sinai, nang ikalabinlimang araw ng ikalawang buwan, pagkatapos na sila'y umalis sa lupain ng Ehipto.
Nagreklamo ang buong kapulungan ng bayan ng Israel laban kina Moises at Aaron sa ilang.
Sinabi ng mga anak ni Israel sa kanila, “Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ng PANGINOON sa lupain ng Ehipto, nang kami ay maupo sa tabi ng mga palayok ng karne at kumain ng tinapay hanggang sa mabusog; sapagkat kami ay inyong dinala sa ilang na ito upang patayin sa gutom ang buong kapulungang ito.”
Nang magkagayo'y sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Kayo'y aking pauulanan ng tinapay mula sa langit. Lalabas at mamumulot ang taong-bayan araw-araw ng bahagi sa bawat araw upang aking masubok sila, kung sila'y lalakad ayon sa aking kautusan, o hindi.
Sa ikaanim na araw, kapag sila'y maghahanda ng kanilang dala, iyon ay doble ang dami ng kanilang pinupulot sa araw-araw.”
At sinabi nina Moises at Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel, “Pagsapit ng gabi, inyong malalaman na ang PANGINOON ang siyang naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto,
at sa kinaumagahan ay inyong makikita ang kaluwalhatian ng PANGINOON, sapagkat kanyang naririnig ang inyong mga pagrereklamo laban sa PANGINOON. Sapagkat ano kami, na nagrereklamo kayo sa amin?”
Sinabi ni Moises, “Kapag binigyan kayo ng PANGINOON sa pagsapit ng gabi ng karneng makakain, at sa kinaumagahan ay ng pagkaing makakabusog, sapagkat naririnig ng PANGINOON ang inyong mga pagrereklamo na inyong sinasabi laban sa kanya, at ano kami? Ang inyong mga pagrereklamo ay hindi laban sa amin, kundi laban sa PANGINOON.”
Sinabi ni Moises kay Aaron, “Sabihin mo sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, ‘Lumapit kayo sa harap ng PANGINOON, sapagkat kanyang narinig ang inyong mga reklamo.’”
Pagkatapos magsalita si Aaron sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, sila'y tumingin sa dakong ilang, at ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay lumitaw sa ulap.
Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises,
“Aking narinig ang mga reklamo ng mga anak ni Israel; sabihin mo sa kanila, ‘Pagsapit ng gabi ay kakain kayo ng karne, at kinaumagahan ay magpapakabusog sa tinapay; at inyong makikilala na ako ang PANGINOON ninyong Diyos.’”
Nang sumapit na ang gabi, ang mga pugo ay umahon at tinakpan ang kampo at sa kinaumagahan ay nakalatag sa palibot ng kampo ang hamog.
Nang pumaitaas na ang hamog, may nakalatag sa ibabaw ng ilang na munting bagay na bilog at kasinliit ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa.
Nang makita ito ng mga anak ni Israel ay sinabi nila sa isa't isa, “Ano ito?” Sapagkat hindi nila alam kung ano iyon. At sinabi ni Moises sa kanila, “Ito ang tinapay na ibinigay ng PANGINOON sa inyo upang kainin.
Ito ang bagay na iniutos ng PANGINOON, ‘Pumulot ang bawat tao ayon sa kanyang kailangan, isang omer para sa bawat tao ayon sa bilang ng mga tao, na mayroon ang bawat isa sa kanilang mga tolda.’”
Gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel, may namulot nang marami at may kaunti.
Subalit nang sukatin nila ito sa omer, ang namulot ng marami ay walang lumabis, at ang namulot ng kaunti ay hindi kinulang; bawat tao ay pumulot ng ayon sa kanyang kailangan.