Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Daniel 10:10-21

Daniel 10:10-21 RTPV05

Walang anu-ano, may kamay na biglang humawak sa akin. Dahil sa takot, nanginginig pa rin ang aking mga kamay at mga tuhod. Sinabi niya, “O Daniel, lubos kitang minamahal, tumayo ka at pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko. Isinugo ako para sabihin ito sa iyo.” Nanginginig naman akong tumayo. Sinabi pa niya sa akin, “Huwag kang matakot, Daniel, sapagkat mula pa nang nagpakumbabá ka sa harapan ng Diyos upang magkaroon ka ng pang-unawa, dininig na ang iyong dalangin. Kaya naparito ako. Ngunit pinigilan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia sa loob ng dalawampu't isang araw, hanggang sa dumating si Miguel, isa sa mga pangunahing pinuno na sumaklolo sa akin sapagkat naiwan ako noong nag-iisa kasama ng mga hari ng Persia. Nagtuloy na ako rito upang ipaliwanag kung ano ang mangyayari sa iyong mga kababayan pagdating ng araw. Ang nakita mong pangitain ay tungkol sa hinaharap.” Matapos niyang sabihin ito, napayuko na lamang ako at hindi makapagsalita. At may isang kahawig ng tao na biglang humipo sa aking labi at muli akong nakapagsalita. Sinabi ko sa aking kaharap, “Ginoo, nabagabag po ako at nawalan ng lakas dahil sa pangitaing ito. Hindi po ako makapagsalitang tulad ninyo sapagkat wala nga akong lakas. Halos hindi ako makahinga.” Kaya muli niya akong hinipo at nanumbalik ang aking lakas. Sinabi niya sa akin, “Ikaw na labis na minamahal, huwag kang matakot. Ipanatag mo ang iyong kalooban at magpakatapang ka.” Pagkatapos niyang magsalita, tuluyan nang nagbalik ang aking lakas. Sinabi ko, “Magpatuloy kayo, ginoo, at naibalik na ninyo ang aking lakas.” Sinabi niya, “Alam mo ba kung bakit ako naparito? Babalik ako sa Persia upang ituloy ang pakikipaglaban sa pinuno ng kahariang iyon. Pagkatapos ay darating naman ang pinuno ng Grecia. Naparito ako upang ipaliwanag sa iyo ang nasa Aklat ng Katotohanan. Sa pakikipaglaban ko'y wala akong makatulong kundi si Miguel na iyong pinuno.”