Ngunit di nagtagal, narito, isang kamay ang humipo sa akin at ako'y itinayo na nanginginig ang aking mga kamay at mga tuhod.
At sinabi niya sa akin, “O Daniel, ikaw na lalaking pinakamamahal, unawain mo ang mga salita na aking sasabihin sa iyo. Tumayo ka nang matuwid sapagkat sa iyo'y sinugo ako ngayon.” Nang kanyang masabi ang salitang ito sa akin, ako'y tumayo na nanginginig.
Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Huwag kang matakot, Daniel, sapagkat mula nang unang araw na iyong ilagak ang iyong isipan sa pagkaunawa, at magpakababa sa iyong Diyos, ang iyong mga salita ay pinakinggan, at ako'y pumarito dahil sa iyong mga salita.
Ngunit hinadlangan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia sa loob ng dalawampu't isang araw. Kaya't si Miguel na isa sa mga punong prinsipe ay dumating upang tulungan ako. At ako'y naiwan doon kasama ng mga hari ng Persia.
Pumarito ako upang ipaunawa sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong bayan sa mga huling araw. Sapagkat mayroon pang pangitain para sa mga araw na iyon.”
Samantalang kanyang sinasabi sa akin ang mga salitang ito, itinungo ko ang aking mukha sa lupa at ako'y napipi.
At isang kahawig ng tao ang humipo sa aking mga labi. Ibinuka ko ang aking bibig at ako'y nagsalita. Sinabi ko sa kanya na nakatayo sa harapan ko, “O panginoon ko, dahil sa pangitain ay dumating sa akin ang mga paghihirap at nawalan ako ng lakas.
Paanong makikipag-usap ang lingkod ng aking panginoon sa aking panginoon? Sapagkat sa ngayon, walang nananatiling lakas sa akin, at walang naiwang hininga sa akin.”
Muli akong hinipo ng isa na kahawig ng tao, at kanyang pinalakas ako.
Kanyang sinabi, “O taong pinakamamahal, huwag kang matakot; kapayapaan ang sumaiyo. Magpakalakas ka at magpakatapang.” Nang siya'y magsalita sa akin, ako'y lumakas at nagsabi, “Magsalita ang aking panginoon, sapagkat pinalakas mo ako.”
Nang magkagayo'y sinabi niya, “Alam mo ba kung bakit ako'y pumarito sa iyo? Ngayo'y babalik ako upang makipaglaban sa pinuno ng Persia. At kapag ako'y tapos na sa kanya, narito, ang pinuno ng Grecia ay darating.
Ngunit sasabihin ko sa iyo ang nakasulat sa kasulatan ng katotohanan. Wala akong kasamang nakikipaglaban sa mga pinunong ito maliban kay Miguel na inyong pinuno.