Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Damasco, kaya sila'y paparusahan ko. Pinagmalupitan nila ang Gilead, dinurog nila ito sa giikang bakal. Susunugin ko ang palasyo ni Hazael, at tutupukin ko ang mga tanggulan ni Ben-Hadad. Wawasakin ko ang pintuan ng Lunsod ng Damasco; pupuksain ko ang mga taga libis ng Aven, pati ang may hawak ng setro sa Beth-eden; ang mga taga-Siria naman ay dadalhing-bihag sa Kir.” Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Gaza, kaya sila'y paparusahan ko. Binihag nila ang isang bansa at ipinagbili sa mga taga-Edom. Susunugin ko ang mga pader ng Gaza; tutupukin ko ang mga tanggulan doon. Aalisin ko ang mga pinuno ng Asdod, at ang may hawak ng setro sa Ashkelon. Hahanapin ko ang Ekron, at lilipulin ko ang mga Filisteo roon.” Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Tiro, kaya sila'y paparusahan ko. Ipinagbili nila sa Edom ang libu-libo nilang bihag; sinisira nila ang kasunduan ng pagkakapatiran. Susunugin ko ang mga pader ng Tiro; tutupukin ko ang mga palasyo roon.” Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Edom, kaya sila'y paparusahan ko. Hinabol nila ng tagâ ang mga kapatid nilang Israelita at hindi sila naawa kahit bahagya. Hindi naglubag ang kanilang poot kailanman. Susunugin ko ang Teman, tutupukin ko naman ang mga tanggulan sa Bozra.” Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Ammon, kaya sila'y paparusahan ko. Sa labis nilang kasakiman sa lupain, nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead. Susunugin ko ang mga pader sa Rabba; tutupukin ko ang mga tanggulan doon. Magsisigawan sila sa panahon ng labanan; mag-aalimpuyo ang labanan tulad ng isang bagyo. Mabibihag ang kanilang hari, gayundin ang kanyang mga tauhan.”
Basahin Amos 1
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Amos 1:3-15
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas