Ganito ang sabi ng PANGINOON:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Damasco,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat kanilang giniik ang Gilead
ng panggiik na bakal.
Kaya't ako'y magsusugo ng apoy sa sambahayan ni Hazael,
at tutupukin niyon ang mga tanggulan ni Ben-hadad.
Aking wawasakin ang mga halang ng pintuan ng Damasco,
at aking ihihiwalay ang mga naninirahan mula sa Libis ng Aven,
at siyang humahawak ng setro mula sa Bet-eden;
at ang bayan ng Siria ay tutungo sa pagkabihag sa Kir,” sabi ng PANGINOON.
Ganito ang sabi ng PANGINOON:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Gaza,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa;
sapagkat kanilang dinalang-bihag ang buong bayan,
upang ibigay sila sa Edom.
Ngunit ako'y magsusugo ng apoy sa pader ng Gaza,
at tutupukin nito ang mga tanggulan niyon.
Aking ihihiwalay ang mga naninirahan mula sa Asdod,
at siyang humahawak ng setro mula sa Ascalon;
at aking ipipihit ang aking kamay laban sa Ekron,
at ang nalabi sa mga Filisteo ay malilipol,”
sabi ng Panginoong DIYOS.
Ganito ang sabi ng PANGINOON:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Tiro,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat kanilang ibinigay ang buong bayan sa Edom,
at hindi inalala ang tipan ng pagkakapatiran.
Kaya't ako'y magsusugo ng apoy sa pader ng Tiro,
at tutupukin nito ang kanyang tanggulan.”
Ganito ang sabi ng PANGINOON:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Edom,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat hinabol niya ng tabak ang kanyang kapatid,
at ipinagkait ang lahat ng habag,
at ang kanyang galit ay laging nangwawasak,
at taglay niya ang kanyang poot magpakailanman.
Ngunit magsusugo ako ng apoy sa Teman,
at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Bosra.”
Ganito ang sabi ng PANGINOON:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng mga anak ni Amon,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat kanilang pinaluwa ang bituka ng mga babaing nagdadalang-tao sa Gilead,
upang kanilang mapalawak ang kanilang hangganan.
Kaya't ako'y magpapaningas ng apoy sa pader ng Rabba,
at tutupukin nito ang kanyang mga tanggulan,
na may sigawan sa araw ng pakikipaglaban,
na may bagyo sa araw ng ipu-ipo.
At ang kanilang hari ay tutungo sa pagkabihag,
siya at ang kanyang mga pinuno na magkakasama,” sabi ng PANGINOON.