Nagpunta si Felipe sa lunsod ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo. Nang mapakinggan ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginagawa niya, inisip nilang mabuti ang kanyang sinasabi. Ang masasamang espiritu ay umaalis sa mga taong sinasapian ng mga ito at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang napagaling kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon.
Doo'y may isang lalaking ang pangalan ay Simon. Noong una, pinapahanga niya ang mga Samaritano sa pamamagitan ng salamangka. Ipinagmamalaki niya na siya'y may taglay na kapangyarihan, at pinapakinggan naman siya ng lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila, “Ang lalaking ito ang tinatawag na Dakilang Kapangyarihan, ang kapangyarihan ng Diyos,” sabi nila. Mahabang panahon ding sila'y pinahanga niya sa pamamagitan ng kanyang salamangka, kaya't siya'y patuloy na pinapakinggan nila. Ngunit nang ipangaral ni Felipe ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos at tungkol kay Jesu-Cristo, sumampalataya at nagpabautismo ang mga lalaki't babae. Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan ay patuloy siyang sumama kay Felipe. Humanga si Simon nang makita niya ang mga himala.
Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. Pagdating doon, ipinanalangin ng dalawang apostol ang mga Samaritano upang sila'y tumanggap din ng Espiritu Santo, sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan pa lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa mga Samaritano at tumanggap ang mga ito ng Espiritu Santo.
Nakita ni Simon na ang Espiritu'y ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay ng mga apostol, kaya't inalok niya ng salapi sina Pedro at Juan. “Bigyan ninyo ako ng kapangyarihang ito upang ang sinumang patungan ko ng kamay ay tumanggap din ng Espiritu Santo,” sabi niya.
Sinagot siya ni Pedro, “Mapapahamak ka, ikaw at ang iyong salapi, sapagkat inakala mong mabibili ng salapi ang kaloob ng Diyos! Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat alam ng Diyos na marumi ang puso mo. Pagsisihan mo ang iyong kasamaan at manalangin ka sa Panginoon, na nawa'y patawarin ka niya sa masama mong hangarin, dahil nakikita kong inggit na inggit ka at bilanggo ng kasalanan.”
Sumagot si Simon, “Idalangin ninyo ako sa Panginoon, para hindi ko sapitin ang alinman sa mga sinabi ninyo!”
Bumalik sa Jerusalem sina Pedro at Juan pagkatapos magpatotoo at mangaral ng salita ng Panginoon sa lunsod ng Samaria. Ipinangaral nila ang Magandang Balita tungkol kay Cristo sa maraming nayon ng Samaria na kanilang dinaanan.
Pagkatapos, si Felipe ay inutusan naman ng isang anghel ng Panginoon, “Pumunta ka agad sa gawing timog sa daang mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” Hindi na iyon dinadaanan ngayon. Pumunta nga doon si Felipe, at dumating naman ang isang pinunong taga-Etiopia, na ingat-yaman ng Candace o reyna ng Etiopia. Galing ito sa Jerusalem at sumamba sa Diyos. Pauwi na ito noon, nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. “Sabayan mo ang sasakyang iyon,” utos ng Espiritu kay Felipe. Kaya patakbong lumapit si Felipe at narinig niyang binabasa ng pinuno ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong ni Felipe ang pinuno, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?”
Sagot naman nito, “Paano ko mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” At si Felipe ay inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa kanyang tabi. Ito ang bahagi ng kasulatang binabasa niya:
“Siya ay tulad ng isang tupang nakatakdang patayin;
tulad ng isang korderong hindi tumututol kahit na gupitan.
At hindi umiimik kahit kaunti man.
Siya'y hinamak at pinagkaitan ng katarungan.
Walang sinumang makapagsasalaysay tungkol sa kanyang angkan,
sapagkat kinitil nila ang kanyang buhay.”
Nagtanong kay Felipe ang pinuno, “Sabihin mo nga sa akin, sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?”
Simula sa kasulatang ito ay isinalaysay sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. Nagpatuloy sila sa paglalakbay, at dumating sa isang lugar na may tubig. Kaya't sinabi ng pinuno, “Tingnan mo, may tubig dito! Hindi pa ba ako maaaring bautismuhan?”
Pinatigil ng pinuno ang karwahe, lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe ay kinuha ng Espiritu ng Panginoon at hindi na siya nakita pa ng pinuno. Ang pinuno ay tuwang-tuwang nagpatuloy sa paglalakbay. Namalayan na lamang ni Felipe na siya'y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng bayang dinaraanan niya hanggang sa marating niya ang Cesarea.