Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 8:5-40

Mga Gawa 8:5-40 Ang Biblia (TLAB)

At bumaba si Felipe sa bayan ng Samaria, at ipinangaral sa kanila ang Cristo. At ang mga karamiha'y nangagkakaisang nangakikinig sa mga bagay na sinasalita ni Felipe, pagkarinig nila, at pagkakita ng mga tanda na ginawa niya. Sapagka't sa maraming may mga karumaldumal na espiritu, ay nangagsilabas sila, na nangagsisisigaw ng malakas na tinig: at maraming lumpo, at pilay, ang pinagaling. At nagkaroon ng malaking kagalakan sa bayang yaon. Datapuwa't may isang tao, na nagngangalang Simon, na nang unang panaho'y nanggagaway sa bayan, at pinahahanga ang mga tao sa Samaria, at nagsasabing siya'y isang dakila: Na siyang pinakikinggan nilang lahat, buhat sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan, na sinasabi, Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Dios na tinatawag na Dakila. At siya'y pinakinggan nila, sapagka't mahabang panahong pinahahanga niya sila ng kaniyang mga panggagaway. Datapuwa't nang magsipaniwala sila kay Felipe na nangangaral ng mabubuting balita tungkol sa kaharian ng Dios at sa pangalan ni Jesucristo, ay nangabautismuhan ang mga lalake't mga babae. At si Simon man ay naniwala rin: at nang mabautismuhan na, ay nanatili siyang kasama ni Felipe; at nang makakita ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa, ay napahanga siya. Nang mabalitaan nga ng mga apostol na nangasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Dios, ay sinugo nila sa kanila si Pedro at si Juan: Na nang sila'y makalusong, ay ipinanalangin nila sila, upang kanilang tanggapin ang Espiritu Santo. Sapagka't ito'y hindi pa bumababa sa kanino man sa kanila: kundi sila'y nangabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. Nang magkagayo'y ipinatong sa kanila ang kanilang mga kamay, at kanilang tinanggap ang Espiritu Santo. Nang makita nga ni Simon na sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol ay ibinigay ang Espiritu Santo, ay inalok niya sila ng salapi, Na sinasabi, Bigyan naman ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinomang patungan ko ng aking mga kamay, ay tumanggap ng Espiritu Santo. Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Pedro, Ang iyong salapi'y mapahamak na kasama mo, sapagka't inisip mong tamuhin ang kaloob ng Dios sa pamamagitan ng salapi. Wala kang bahagi ni kapalaran man sa bagay na ito: sapagka't ang puso mo'y hindi matuwid sa harap ng Dios. Magsisi ka nga sa kasamaan mong ito, at manalangin ka sa Panginoon, baka sakaling ipatawad sa iyo ang pagiisip ng iyong puso. Sapagka't nakikita kong ikaw ay nasa apdo ng kapaitan at sa tali ng katampalasanan. At sumagot si Simon at sinabi, Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon, upang huwag mangyari sa akin ang alin mang bagay sa mga sinasabi ninyo. Sila nga, nang makapagpatotoo at masabi na nila ang salita ng Panginoon, ay nangagbalik sa Jerusalem, at ipinangaral ang evangelio sa maraming nayon ng mga Samaritano. Datapuwa't nagsalita kay Felipe ang isang anghel ng Panginoon, na nagsasabi, Magtindig ka, at ikaw ay pumaroon sa dakong timugan, sa daang palusong mula sa Jerusalem hanggang sa Gaza: na ito'y ilang. At siya'y nagtindig at yumaon: at narito, ang isang lalaking taga Etiopia, isang bating na may dakilang kapamahalaan na sakop ni Candace, reina ng mga Etiope, na siyang namamahala ng lahat niyang kayamanan, at siya'y naparoon sa Jerusalem upang sumamba; At siya'y pabalik at nakaupo sa kaniyang karo, at binabasa ang propeta Isaias. At sinabi kay Felipe ng Espiritu, Lumapit ka, at makisama sa karong ito. At tumakbo si Felipeng patungo sa kaniya, at napakinggan niyang binabasa si Isaias na propeta, at sinabi, Nauunawa mo baga ang binabasa mo? At sinabi niya, Paanong magagawa ko, maliban nang may pumatnubay sa aking sinoman? At pinakiusapan niya si Felipe na pumanhik at maupong kasama niya. Ang dako nga ng kasulatan na binabasa niya ay ito, Siya'y gaya ng tupa na dinala sa patayan; At kung paanong hindi umimik ang kordero sa harap ng manggugupit sa kaniya, Gayon din hindi niya binubuka ang kaniyang bibig: Sa kaniyang pagpapakababa'y inalis ang kaniyang paghuhukom. Sino ang maghahayag ng kaniyang lahi? Sapagka't inalis sa lupa ang kaniyang buhay. At sumagot ang bating kay Felipe, at sinabi, Ipinamamanhik ko sa iyo, kanino sinasabi ng propeta ito? sa kaniya bagang sarili, o sa alin mang iba? At binuka ni Felipe ang kaniyang bibig, at pagpapasimula sa kasulatang ito, ay ipinangaral sa kaniya si Jesus. At sa pagpapatuloy sa daan, ay nagsidating sila sa dakong may tubig; at sinabi ng bating, Narito, ang tubig; ano ang nakahahadlang upang ako'y mabautismuhan? At sinabi ni Felipe Kung nanampalataya ka ng buong puso ay mangyayari. At sumagot siya at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Dios. At ipinagutos niyang itigil ang karo: at sila'y kapuwa lumusong sa tubig, si Felipe at ang bating; at kaniyang binautismuhan siya. At nang magsiahon sila sa tubig, ay inagaw si Felipe ng Espiritu ng Panginoon; at hindi na siya nakita ng bating, sapagka't ipinagpatuloy niya ang kaniyang lakad na natutuwa. Nguni't nasumpungan si Felipe sa Azoto: at sa pagdadaan ay ipinangaral niya ang evangelio sa lahat ng mga bayan, hanggang sa dumating siya sa Cesarea.

Mga Gawa 8:5-40 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Nagpunta si Felipe sa lunsod ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo. Nang mapakinggan ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginagawa niya, inisip nilang mabuti ang kanyang sinasabi. Ang masasamang espiritu ay umaalis sa mga taong sinasapian ng mga ito at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang napagaling kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon. Doo'y may isang lalaking ang pangalan ay Simon. Noong una, pinapahanga niya ang mga Samaritano sa pamamagitan ng salamangka. Ipinagmamalaki niya na siya'y may taglay na kapangyarihan, at pinapakinggan naman siya ng lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila, “Ang lalaking ito ang tinatawag na Dakilang Kapangyarihan, ang kapangyarihan ng Diyos,” sabi nila. Mahabang panahon ding sila'y pinahanga niya sa pamamagitan ng kanyang salamangka, kaya't siya'y patuloy na pinapakinggan nila. Ngunit nang ipangaral ni Felipe ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos at tungkol kay Jesu-Cristo, sumampalataya at nagpabautismo ang mga lalaki't babae. Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan ay patuloy siyang sumama kay Felipe. Humanga si Simon nang makita niya ang mga himala. Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. Pagdating doon, ipinanalangin ng dalawang apostol ang mga Samaritano upang sila'y tumanggap din ng Espiritu Santo, sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan pa lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa mga Samaritano at tumanggap ang mga ito ng Espiritu Santo. Nakita ni Simon na ang Espiritu'y ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay ng mga apostol, kaya't inalok niya ng salapi sina Pedro at Juan. “Bigyan ninyo ako ng kapangyarihang ito upang ang sinumang patungan ko ng kamay ay tumanggap din ng Espiritu Santo,” sabi niya. Sinagot siya ni Pedro, “Mapapahamak ka, ikaw at ang iyong salapi, sapagkat inakala mong mabibili ng salapi ang kaloob ng Diyos! Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat alam ng Diyos na marumi ang puso mo. Pagsisihan mo ang iyong kasamaan at manalangin ka sa Panginoon, na nawa'y patawarin ka niya sa masama mong hangarin, dahil nakikita kong inggit na inggit ka at bilanggo ng kasalanan.” Sumagot si Simon, “Idalangin ninyo ako sa Panginoon, para hindi ko sapitin ang alinman sa mga sinabi ninyo!” Bumalik sa Jerusalem sina Pedro at Juan pagkatapos magpatotoo at mangaral ng salita ng Panginoon sa lunsod ng Samaria. Ipinangaral nila ang Magandang Balita tungkol kay Cristo sa maraming nayon ng Samaria na kanilang dinaanan. Pagkatapos, si Felipe ay inutusan naman ng isang anghel ng Panginoon, “Pumunta ka agad sa gawing timog sa daang mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” Hindi na iyon dinadaanan ngayon. Pumunta nga doon si Felipe, at dumating naman ang isang pinunong taga-Etiopia, na ingat-yaman ng Candace o reyna ng Etiopia. Galing ito sa Jerusalem at sumamba sa Diyos. Pauwi na ito noon, nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. “Sabayan mo ang sasakyang iyon,” utos ng Espiritu kay Felipe. Kaya patakbong lumapit si Felipe at narinig niyang binabasa ng pinuno ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong ni Felipe ang pinuno, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?” Sagot naman nito, “Paano ko mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” At si Felipe ay inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa kanyang tabi. Ito ang bahagi ng kasulatang binabasa niya: “Siya ay tulad ng isang tupang nakatakdang patayin; tulad ng isang korderong hindi tumututol kahit na gupitan. At hindi umiimik kahit kaunti man. Siya'y hinamak at pinagkaitan ng katarungan. Walang sinumang makapagsasalaysay tungkol sa kanyang angkan, sapagkat kinitil nila ang kanyang buhay.” Nagtanong kay Felipe ang pinuno, “Sabihin mo nga sa akin, sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?” Simula sa kasulatang ito ay isinalaysay sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. Nagpatuloy sila sa paglalakbay, at dumating sa isang lugar na may tubig. Kaya't sinabi ng pinuno, “Tingnan mo, may tubig dito! Hindi pa ba ako maaaring bautismuhan?” Pinatigil ng pinuno ang karwahe, lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe ay kinuha ng Espiritu ng Panginoon at hindi na siya nakita pa ng pinuno. Ang pinuno ay tuwang-tuwang nagpatuloy sa paglalakbay. Namalayan na lamang ni Felipe na siya'y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng bayang dinaraanan niya hanggang sa marating niya ang Cesarea.

Mga Gawa 8:5-40 Ang Salita ng Dios (ASND)

Isa sa mga mananampalataya ay si Felipe. Pumunta siya sa isang lungsod ng Samaria at nangaral sa mga tao tungkol kay Cristo. Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig sila nang mabuti sa kanya. Maraming taong may masasamang espiritu ang pinagaling niya. Sumisigaw nang malakas ang masasamang espiritu habang lumalabas sa mga tao. Marami ring paralitiko at mga pilay ang gumaling. Kaya masayang-masaya ang mga tao sa lungsod na iyon. May tao rin doon na ang pangalan ay Simon. Matagal na niyang pinahahanga ang mga taga-Samaria sa kanyang kahusayan sa salamangka. Nagmamayabang siya na akala mo kung sino siyang dakila. Ang lahat ng tao sa lungsod, mahirap man o mayaman ay nakikinig nang mabuti sa kanya. Sinabi nila, “Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Dios na tinatawag na ‘Dakilang Kapangyarihan.’ ” Matagal na niyang pinahahanga ang mga tao sa kanyang kahusayan sa salamangka, kaya patuloy silang naniniwala sa kanya. Pero nang mangaral si Felipe sa kanila ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios at tungkol kay Jesu-Cristo, sumampalataya at nagpabautismo ang mga lalaki at babae. Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan na siya, sumama siya kay Felipe. Talagang napahanga siya sa mga himala at kamangha-manghang bagay na ginawa ni Felipe. Nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem na ang mga taga-Samaria ay sumampalataya rin sa salita ng Dios, ipinadala nila roon sina Pedro at Juan. Pagdating nila sa Samaria, ipinanalangin nila ang mga mananampalataya roon na sanaʼy matanggap nila ang Banal na Espiritu. Sapagkat kahit nabautismuhan na sila sa pangalan ng Panginoong Jesus, hindi pa nila natatanggap ang Banal na Espiritu. Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila, at natanggap nila ang Banal na Espiritu. Nakita ni Simon na sa pagpatong ng kamay ng mga apostol sa mga mananampalataya ay natanggap nila ang Banal na Espiritu. Kaya inalok niya ng pera sina Pedro at Juan at sinabi “Bigyan ninyo ako ng ganyang kapangyarihan, para ang sinumang patungan ko ng kamay ay makatanggap din ng Banal na Espiritu.” Pero sumagot si Pedro sa kanya, “Mawala ka sana at ang iyong pera! Sapagkat inaakala mong mabibili ng pera ang kaloob ng Dios. Wala kang bahagi sa gawain namin, dahil marumi ang puso mo sa paningin ng Dios. Kaya pagsisihan mo ang masama mong balak at manalangin ka sa Panginoon na patawarin ka sa iyong maruming pag-iisip. Sapagkat nakikita kong inggit na inggit ka at alipin ng kasalanan.” Sinabi ni Simon, “Kung maaari, manalangin din kayo sa Panginoon para sa akin upang hindi mangyari sa akin ang parusa na sinasabi ninyo.” Pagkatapos magpatotoo nina Pedro at Juan at mangaral ng mensahe ng Panginoon, bumalik sila sa Jerusalem. At nangaral din sila ng Magandang Balita sa mga baryo na dinaanan nila sa lalawigan ng Samaria. May isang anghel ng Panginoon na nagsabi kay Felipe, “Pumunta ka agad sa timog, at sundan mo ang daan na mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” (Ang daang iyon ay bihira na lang daanan.) Kaya umalis si Felipe, at doon ay nakita niya ang taong taga-Etiopia. Pauwi na ito galing sa Jerusalem kung saan siya sumamba sa Dios. Mataas ang kanyang tungkulin dahil siya ang pinagkakatiwalaan ng kayamanan ng Candace. (Ang Candace ay reyna ng Etiopia.) Nakasakay siya sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. Sinabi ng Banal na Espiritu kay Felipe, “Puntahan mo at makisabay ka sa kanyang karwahe.” Kaya tumakbo si Felipe at inabutan niya ang karwahe. Narinig niyang nagbabasa ang opisyal ng aklat ni Propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe kung nauunawaan niya ang kanyang binabasa. Sumagot ang opisyal, “Hindi nga eh! Paano ko mauunawaan kung wala namang magpapaliwanag sa akin?” Inanyayahan niya si Felipe na sumakay sa kanyang karwahe at tumabi sa kanya. Ito ang bahagi ng Kasulatan na kanyang binabasa: “Hindi siya nagreklamo. Katulad siya ng tupa na dinadala sa katayan, o kayaʼy isang munting tupa na walang imik habang ginugupitan. Hinamak siya at hinatulan nang hindi tama. Walang makapagsasabi tungkol sa kanyang mga lahi, dahil pinaikli ang kanyang buhay dito sa lupa.” Sinabi ng opisyal kay Felipe, “Sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang sarili ba niya o ibang tao?” Kaya simula sa bahaging iyon ng Kasulatan, ipinaliwanag sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. Habang nagpapatuloy sila sa paglalakbay, nakarating sila sa lugar na may tubig. Sinabi ng opisyal kay Felipe, “May tubig dito. May dahilan pa ba para hindi ako mabautismuhan?” [Sumagot si Felipe sa kanya, “Maaari ka nang bautismuhan kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang opisyal, “Oo, sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Dios.”] Pinahinto ng opisyal ang karwahe at lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. Pagkaahon nila sa tubig, bigla na lang kinuha si Felipe ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng opisyal, pero masaya siyang nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. Namalayan na lang ni Felipe na siyaʼy nasa lugar na ng Azotus. Nangaral siya ng Magandang Balita sa mga bayan na dinadaanan niya hanggang makarating siya sa Cesarea.

Mga Gawa 8:5-40 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)