Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA GAWA 8:5-40

MGA GAWA 8:5-40 ABTAG01

Si Felipe ay bumaba sa bayan ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo. Ang maraming tao ay nagkakaisang nakikinig sa mga sinabi ni Felipe nang kanilang marinig siya at nakita ang mga tanda na ginawa niya. Sapagkat lumabas ang masasamang espiritu sa maraming sinapian na nagsisisigaw nang malakas; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling. At nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon. Ngunit may isang tao na ang pangalan ay Simon, na noong una ay gumagamit ng salamangka sa lunsod at pinahanga ang mga tao sa Samaria, ang nagsasabing siya'y isang dakila. Silang lahat ay nakinig sa kanya buhat sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, na sinasabi, “Ang taong ito ang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na Dakila.” Siya'y pinakinggan nila, sapagkat sa loob ng mahabang panahon ay kanyang pinahahanga sila ng kanyang mga salamangka. Ngunit nang naniwala sila kay Felipe na nangangaral ng mabuting balita tungkol sa kaharian ng Diyos at sa pangalan ni Jesu-Cristo, sila ay nabautismuhan, mga lalaki at mga babae. Maging si Simon mismo ay naniwala at pagkatapos mabautismuhan, nanatili siyang kasama ni Felipe. Namangha siya nang makakita ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa. Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos, sinugo nila sa kanila sina Pedro at Juan. Ang dalawa ay bumaba at ipinanalangin sila upang kanilang tanggapin ang Espiritu Santo, sapagkat hindi pa ito dumarating sa kaninuman sa kanila, kundi sila'y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Espiritu Santo. Nang makita ni Simon na ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, sila'y inalok niya ng salapi, na sinasabi, “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinumang patungan ko ng aking mga kamay ay tumanggap ng Espiritu Santo.” Ngunit sinabi sa kanya ni Pedro, “Ang iyong salapi'y mapahamak na kasama mo, sapagkat inakala mong makukuha mo ang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng salapi! Wala kang bahagi ni karapatan man sa bagay na ito, sapagkat ang puso mo'y hindi matuwid sa harapan ng Diyos. Kaya't pagsisihan mo ang kasamaan mong ito. Manalangin ka sa Panginoon at baka sakaling ipatawad sa iyo ang hangarin ng iyong puso. Sapagkat nakikita kong ikaw ay nasa apdo ng kapaitan at nasa gapos ng kasamaan.” Sumagot si Simon, “Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang wala sa mga sinabi ninyo ang mangyari sa akin.” Sina Pedro at Juan, pagkatapos na makapagpatotoo at masabi na nila ang salita ng Panginoon, ay bumalik sa Jerusalem na ipinangaral ang ebanghelyo sa maraming nayon ng mga Samaritano. Pagkatapos ay sinabi ng isang anghel ng Panginoon kay Felipe, “Tumindig ka at pumunta patungong timog, sa daang pababa mula sa Jerusalem patungong Gaza.” Ito'y isang ilang na daan. At tumindig nga siya at umalis. May isang lalaking taga-Etiopia, isang eunuko at tagapamahala ni Candace na reyna ng mga taga-Etiopia. Siya ang namamahala ng buong kayamanan ng reyna. Ang eunuko ay nagpunta sa Jerusalem upang sumamba. Siya'y pabalik na at nakaupo sa kanyang karwahe, binabasa niya ang propeta Isaias. Sinabi ng Espiritu kay Felipe, “Lumapit ka at makisakay sa karwaheng ito.” Kaya't tumakbo si Felipe doon, at kanyang narinig na binabasa niya si Isaias na propeta, at sinabi niya, “Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?” Sumagot naman ito, “Paano nga ba, malibang may tumulong sa akin?” At kanyang inanyayahan si Felipe na umakyat at maupong kasama niya. Ang bahagi ng kasulatan na binabasa niya ay ito: “Tulad ng tupa na dinala sa katayan; at sa isang kordero na hindi umiimik sa harap ng kanyang manggugupit, gayundin hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig. Sa kanyang pagpapakababa ay ipinagkait sa kanya ang katarungan. Sino ang makapaglalarawan sa kanyang lahi? Sapagkat inalis sa lupa ang kanyang buhay.” Sinabi ng eunuko kay Felipe, “Ipinapakiusap ko, tungkol kanino sinasabi ito ng propeta, sa kanya bang sarili, o sa iba?” Nagpasimulang magsalita si Felipe, at simula sa kasulatang ito ay ipinangaral niya sa kanya ang magandang balita ni Jesus. Sa kanilang pagpapatuloy sa daan, nakarating sila sa may tubig, at sinabi ng eunuko, “Tingnan mo, narito ang tubig! Ano ang nakakahadlang upang akoy mabautismuhan?” [At sinabi ni Felipe: Kung nananampalataya ka ng buong puso ay mangyayari. Sumagot siya at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Diyos.] Iniutos niyang itigil ang karwahe at lumusong si Felipe at ang eunuko sa tubig. At binautismuhan siya ni Felipe. Nang umahon sila sa tubig, inagaw ng Espiritu ng Panginoon si Felipe; at hindi na siya nakita ng eunuko at nagagalak na nagpatuloy siya sa kanyang lakad. Ngunit natagpuan si Felipe sa Azotus. Sa pagdaraan ay ipinangaral niya ang ebanghelyo sa lahat ng mga bayan hanggang sa makarating siya sa Cesarea.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa MGA GAWA 8:5-40