Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 7:20-43

Mga Gawa 7:20-43 RTPV05

Noon ipinanganak si Moises, isang batang kinalulugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa kanilang tahanan, at nang siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at pinalaking parang sariling anak. Tinuruan siya sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio, at siya'y naging dakila sa salita at sa gawa. “Nang si Moises ay apatnapung taon na, nagpasya siyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita upang tingnan ang kanilang kalagayan. Nakita niyang inaapi ng isang Egipcio ang isa sa kanila, kaya't ipinagtanggol niya ito, at napatay niya ang Egipciong iyon. Akala ni Moises ay mauunawaan ng kanyang mga kababayan na sila'y ililigtas ng Diyos sa pamamagitan niya. Ngunit hindi nila ito naunawaan. Kinabukasan, may nakita siyang dalawang Israelitang nag-aaway, at sinikap niyang sila'y pagkasunduin. Sabi niya, ‘Mga kaibigan, pareho kayong Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ Subalit tinabig siya ng lalaking nananakit at pinagsabihan ng ganito: ‘Sino ang naglagay sa iyo upang mamahala at humatol sa amin? Nais mo rin ba akong patayin gaya ng ginawa mo kahapon doon sa Egipcio?’ Nang marinig ito ni Moises, siya'y tumakas at nanirahan sa lupain ng Midian. Nag-asawa siya roon at nagkaanak ng dalawang lalaki. “Makalipas ang apatnapung taon, samantalang si Moises ay nasa ilang na di-kalayuan sa Bundok ng Sinai, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa isang nagliliyab na mababang punongkahoy. Namangha si Moises sa kanyang nakita, at nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, narinig niya ang tinig ng Panginoon, ‘Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi makatingin. Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na lugar ang kinaroroonan mo. Nakita ko ang paghihirap ng aking bayan sa Egipto; narinig ko ang kanilang daing, at bumabâ ako upang sila'y iligtas. Halika't isusugo kita sa Egipto.’ “Itinakwil nila si Moises nang kanilang sabihin, ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin?’ Ngunit ang Moises ding iyon ang isinugo ng Diyos upang mamuno at magligtas sa kanila, sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. Sila ay hinango niya sa kanilang kahirapan sa pamamagitan ng mga himalang ginawa niya sa Egipto, sa Dagat na Pula at sa ilang, sa loob ng apatnapung taon. Siya rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Mula sa inyo, ang Diyos ay pipili ng isang propeta upang gawing propetang tulad ko.’ Siya ang kasama ng mga Israelita sa ilang. Siya ang nakipag-usap sa anghel na nagsalita sa kanya at sa ating mga ninuno sa Bundok ng Sinai. Siya ang tumanggap ng mga salitang nagbibigay-buhay mula sa Diyos upang ibigay sa atin. “Ngunit hindi siya sinunod ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at mas gusto pa nilang magbalik sa Egipto. Sinabi pa nila kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin, sapagkat hindi namin alam kung napaano na ang Moises na iyan na naglabas sa amin mula sa lupain ng Egipto.’ At gumawa nga sila ng isang diyus-diyosang kahawig ng guya. Nag-alay sila ng handog at ipinagpista ang diyus-diyosang hinugis ng kanilang kamay. Dahil diyan, itinakwil sila ng Diyos at hinayaang sumamba sa mga bituin sa langit, ayon sa nakasulat sa aklat ng mga propeta: ‘Bayang Israel, hindi naman talaga ako ang tunay na hinandugan ninyo ng mga alay at mga hayop na pinatay sa loob ng apatnapung taóng kayo'y nasa ilang. Sa halip, ang inyong dala-dala ay ang santuwaryo ni Molec, at ang bituin ng inyong diyus-diyosang si Renfan. Dahil ginawa ninyo ang mga rebultong ito upang sambahin, kayo ay dadalhing mga bihag sa kabila pa ng Babilonia.’