Nang panahong yaon, ay ipinanganak si Moises, at siya'y totoong maganda; at siya'y inalagaang tatlong buwan sa bahay ng kaniyang ama:
At nang siya'y matapon, ay pinulot siya ng anak na babae ni Faraon, at siya'y inalagaang gaya ng sariling anak niya.
At tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio: at siya ay makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa.
Datapuwa't nang siya'y magaapat na pung taong gulang na, ay tumugtog sa kaniyang puso na dalawin ang kaniyang mga kapatid na mga anak ni Israel.
At nang makita niya ang isa sa kanila na inaalipusta, ay kaniyang ipinagsanggalang siya, at ipinaghiganti ang pinipighati, at pinatay ang Egipcio:
At ang isip niya'y napagunawa ng kaniyang mga kapatid na ibinigay ng Dios sa kanila ang kaligtasan sa pamamagitan ng kamay niya: datapuwa't hindi nila napagunawa.
At nang kinabukasan ay napakita siya sa kanila samantalang sila'y nagaaway, at sila'y ibig sana niyang payapain, na sinasabi, mga Ginoo, kayo'y magkapatid; bakit kayo'y nagaalipustaan?
Datapuwa't itinulak siya ng umalipusta sa kaniyang kapuwa tao, na sinasabi, Sino ang naglagay sa iyo na puno at hukom sa amin?
Ibig mo bagang ako'y patayin mo, na gaya ng pagkapatay mo kahapon sa Egipcio?
At sa salitang ito'y tumakas si Moises, at nakipamayan sa lupain ng Midian, na doo'y nagkaanak siya ng dalawang lalake.
At nang maganap ang apat na pung taon, ay napakita sa kaniya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punong kahoy.
At nang makita ito ni Moises, ay nanggilalas sa tanawin; at nang siya'y lumapit upang pagmasdan, ay dumating ang isang tinig ng Panginoon,
Ako ang Dios ng iyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob. At si Moises ay nanginig at hindi nangahas tumingin.
At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Alisin mo ang mga pangyapak sa iyong mga paa: sapagka't ang dakong kinatatayuan mo ay lupang banal.
Totoong nakita ko ang kapighatian ng aking bayang nasa Egipto, at narinig ko ang kanilang hibik, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas: at ngayo'y halika, susuguin kita sa Egipto.
Ang Moises na ito na kanilang itinakuwil, na sinasabi, Sino ang sa iyo'y naglagay na puno at hukom? ay siyang sinugo ng Dios na maging puno at tagapagligtas sa pamamagitan ng kamay ng anghel na sa kaniya'y napakita sa mababang punong kahoy.
Pinatnugutan sila ng taong ito, pagkagawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa Egipto, at sa dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apat na pung taon.
Ito'y yaong Moises, na nagsabi sa mga anak ni Israel, Palilitawin ng Dios sa inyo ang isang propeta na gaya ko, mula sa inyong mga kapatid.
Ito'y yaong naroon sa iglesia sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga magulang: na siyang nagsitanggap ng mga aral na buhay upang ibigay sa atin:
Sa kaniya'y ayaw magsitalima ang ating mga magulang, kundi siya'y kanilang itinakuwil, at sa kanilang mga puso'y nangagbalik sa Egipto,
Na sinasabi kay Aaron, Igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin: sapagka't tungkol dito kay Moises, na naglabas sa amin sa lupain ng Egipto, ay hindi namin nalalaman kung ano ang nangyari sa kaniya.
At nagsigawa sila nang mga araw na yaon ng isang guyang baka, at nagsipaghandog ng hain sa diosdiosang yaon, at nangatuwa sa mga gawa ng kanilang mga kamay.
Datapuwa't tumalikod ang Dios, at sila'y pinabayaang magsisamba sa hukbo ng langit; gaya ng nasusulat sa aklat ng mga propeta,
Hinandugan baga ninyo ako ng mga hayop na pinatay at mga hain
Na apat na pung taon sa ilang, Oh angkan ni Israel?
At dinala ninyo ang tabernakulo ni Moloc,
At ang bituin ng dios Refan,
Ang mga larawang ginawa ninyo upang inyong sambahin:
At dadalhin ko kayo sa dako pa roon ng Babilonia.