Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 21:1-26

Mga Gawa 21:1-26 RTPV05

Pagkatapos naming magpaalam sa kanila, kami'y naglakbay papuntang Cos. Kinabukasan, dumating kami sa Rodas at mula roo'y nagpatuloy kami sa Patara. Dinatnan namin doon ang isang barkong papuntang Fenicia, kaya't lumipat kami sa nasabing sasakyan. Dumaan kami sa tapat ng Cyprus na natatanaw sa gawing kaliwa. Nagpatuloy kami papuntang Siria, ngunit huminto muna sa Tiro ang barko sapagkat magbababâ roon ng kargamento. Hinanap namin ang mga alagad na naroon at nakituloy kami sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa patnubay ng Espiritu, sinabi nila kay Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. Ngunit nang dumating ang oras ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa paglalakbay. Kami ay inihatid nilang lahat, kasama ang kanilang mga asawa't mga anak, hanggang sa labas ng lunsod. Pagdating sa tabing-dagat, lumuhod kaming lahat at nanalangin. Pagkatapos naming magpaalam, sumakay na kami sa barko, at sila'y nagsiuwi na. Mula sa Tiro, nagpatuloy kami ng paglalakbay at nakarating kami sa Tolemaida. Nakipagkita kami sa mga kapatid at tumigil doon nang isang araw. Kinabukasan, tumuloy kami sa Cesarea sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong lalaking hinirang noong una sa Jerusalem. Siya'y may apat na anak na dalaga na pawang mga propeta. Makalipas ang ilang araw, dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangala'y Agabo. Pinuntahan niya kami, kinuha ang pamigkis ni Pablo at ginapos ang sariling paa at kamay. Sabi niya, “Ito ang sabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’” Pagkarinig nito, kami naman at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. Ngunit sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinapahina lamang ninyo ang loob ko! Handa ako, hindi lamang pagapos, kundi kahit mamatay doon sa Jerusalem kung kailangan, alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” Tumigil na kami nang hindi namin siya mapigilan. Nasabi na lamang namin, “Masunod ang kalooban ng Panginoon.” Makalipas ang ilang araw, gumayak kami at umalis papuntang Jerusalem. Sumama sa amin ang ilan sa mga alagad na taga-Cesarea at dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus at doon kami nakituloy. Si Mnason ay matagal nang mananampalataya. Pagdating sa Jerusalem, malugod naman kaming tinanggap ng mga kapatid. Kinabukasan, kami nina Pablo'y nakipagkita kay Santiago; naroon din ang mga pinuno ng iglesya. Binati ni Pablo ang mga naroon at isa-isa niyang isinalaysay ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod. Nang marinig nila ito, sila'y nagpuri sa Diyos at kanilang sinabi kay Pablo, “Alam mo, kapatid, may ilang libo na ang mga Judiong nananalig kay Jesus, at silang lahat ay masigasig sa pagtupad ng Kautusan. May nakapagbalita sa kanila na itinuturo mo raw sa lahat ng Judiong naninirahan sa mga bansang Hentil na tumalikod sa katuruan ni Moises. At sinasabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sundin ang kaugalian ng mga Judio. Ano ngayon ang nararapat nating gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. Ganito ang gawin mo, mayroon ditong apat na lalaking may panata; isama mo sila at tuparin ninyo ang paglilinis ayon sa Kautusan. Ikaw na ang bahala sa magagastos, at nang sa gayon ay mapaahitan na nila ang kanilang ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na hindi totoo ang balita tungkol sa iyo, kundi sumusunod ka pa rin sa Kautusan ni Moises. Tungkol naman sa mga mananampalatayang Hentil, isinulat na namin sa kanila ang aming pasya. Huwag silang kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag kakain ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag makikiapid.” Kinabukasan, isinama nga ni Pablo ang mga lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, siya'y pumasok sa Templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang takdang panahon ng paglilinis upang maialay ang handog para sa bawat isa sa kanila.