Mga Gawa 21:1-26
Mga Gawa 21:1-26 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)
Pagkatapos naming magpaalam sa kanila, kami'y naglakbay papuntang Cos. Kinabukasan, dumating kami sa Rodas at mula roo'y nagpatuloy kami sa Patara. Dinatnan namin doon ang isang barkong papuntang Fenicia, kaya't lumipat kami sa nasabing sasakyan. Dumaan kami sa tapat ng Cyprus na natatanaw sa gawing kaliwa. Nagpatuloy kami papuntang Siria, ngunit huminto muna sa Tiro ang barko sapagkat magbababâ roon ng kargamento. Hinanap namin ang mga alagad na naroon at nakituloy kami sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa patnubay ng Espiritu, sinabi nila kay Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. Ngunit nang dumating ang oras ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa paglalakbay. Kami ay inihatid nilang lahat, kasama ang kanilang mga asawa't mga anak, hanggang sa labas ng lunsod. Pagdating sa tabing-dagat, lumuhod kaming lahat at nanalangin. Pagkatapos naming magpaalam, sumakay na kami sa barko, at sila'y nagsiuwi na. Mula sa Tiro, nagpatuloy kami ng paglalakbay at nakarating kami sa Tolemaida. Nakipagkita kami sa mga kapatid at tumigil doon nang isang araw. Kinabukasan, tumuloy kami sa Cesarea sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong lalaking hinirang noong una sa Jerusalem. Siya'y may apat na anak na dalaga na pawang mga propeta. Makalipas ang ilang araw, dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangala'y Agabo. Pinuntahan niya kami, kinuha ang pamigkis ni Pablo at ginapos ang sariling paa at kamay. Sabi niya, “Ito ang sabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’” Pagkarinig nito, kami naman at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. Ngunit sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinapahina lamang ninyo ang loob ko! Handa ako, hindi lamang pagapos, kundi kahit mamatay doon sa Jerusalem kung kailangan, alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” Tumigil na kami nang hindi namin siya mapigilan. Nasabi na lamang namin, “Masunod ang kalooban ng Panginoon.” Makalipas ang ilang araw, gumayak kami at umalis papuntang Jerusalem. Sumama sa amin ang ilan sa mga alagad na taga-Cesarea at dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus at doon kami nakituloy. Si Mnason ay matagal nang mananampalataya. Pagdating sa Jerusalem, malugod naman kaming tinanggap ng mga kapatid. Kinabukasan, kami nina Pablo'y nakipagkita kay Santiago; naroon din ang mga pinuno ng iglesya. Binati ni Pablo ang mga naroon at isa-isa niyang isinalaysay ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod. Nang marinig nila ito, sila'y nagpuri sa Diyos at kanilang sinabi kay Pablo, “Alam mo, kapatid, may ilang libo na ang mga Judiong nananalig kay Jesus, at silang lahat ay masigasig sa pagtupad ng Kautusan. May nakapagbalita sa kanila na itinuturo mo raw sa lahat ng Judiong naninirahan sa mga bansang Hentil na tumalikod sa katuruan ni Moises. At sinasabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sundin ang kaugalian ng mga Judio. Ano ngayon ang nararapat nating gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. Ganito ang gawin mo, mayroon ditong apat na lalaking may panata; isama mo sila at tuparin ninyo ang paglilinis ayon sa Kautusan. Ikaw na ang bahala sa magagastos, at nang sa gayon ay mapaahitan na nila ang kanilang ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na hindi totoo ang balita tungkol sa iyo, kundi sumusunod ka pa rin sa Kautusan ni Moises. Tungkol naman sa mga mananampalatayang Hentil, isinulat na namin sa kanila ang aming pasya. Huwag silang kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag kakain ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag makikiapid.” Kinabukasan, isinama nga ni Pablo ang mga lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, siya'y pumasok sa Templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang takdang panahon ng paglilinis upang maialay ang handog para sa bawat isa sa kanila.
Mga Gawa 21:1-26 Ang Salita ng Dios (ASND)
Nagpaalam kami sa mga namumuno sa iglesya sa Efeso, at bumiyahe kami nang tuloy-tuloy hanggang sa nakarating kami sa Cos. Kinabukasan, dumating kami sa isla ng Rodes. At mula roon, nagpatuloy kami sa Patara. Doon sa Patara ay may nakita kaming barko na papuntang Fenicia, kaya sumakay agad kami. Natanaw namin ang isla ng Cyprus, pero hindi kami pumunta roon kundi dumaan kami sa gawing kanan at tumuloy sa Syria. Dumaong kami sa bayan ng Tyre, dahil nagbaba roon ng kargamento ang barko. Hinanap namin doon ang mga tagasunod ni Jesus, at nakituloy kami sa kanila sa loob ng isang linggo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, binalaan nila si Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. Pero pagkaraan ng isang linggo, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay. Lahat sila, pati ang kanilang mga asawaʼt anak ay naghatid sa amin sa labas ng lungsod. Lumuhod kaming lahat sa dalampasigan at nanalangin. Nang makapagpaalam na kami sa kanila, sumakay kami sa barko at umuwi naman sila. Mula sa Tyre, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay papuntang Tolemais. Pagdating namin doon, nakipagkita kami sa mga kapatid at tumigil kami sa kanila ng isang araw. Pagkatapos, pumunta naman kami sa Cesarea. Pagdating namin doon, pumunta kami sa bahay ni Felipe na tagapangaral ng Magandang Balita, at doon kami nakituloy. Si Felipe ay isa sa mga pitong lalaking hinirang noon sa Jerusalem na tumulong sa mga apostol. Apat ang kanyang anak na dalaga na pawang mga propeta. Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang propetang si Agabus mula sa Judea. Pinuntahan niya kami at kinuha ang sinturon ni Pablo, at itinali sa kanyang mga paa at mga kamay. At sinabi niya, “Ayon sa Banal na Espiritu, ganito ang gagawin ng mga Judio sa Jerusalem sa may-ari ng sinturong ito, at siyaʼy ibibigay nila sa mga hindi Judio.” Nang marinig namin ito, kami at ang mga kapatid doon ay humiling kay Pablo na huwag nang pumunta sa Jerusalem. Pero sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinahihina lamang ninyo ang loob ko. Nakahanda akong magpagapos at kahit mamatay pa sa Jerusalem para sa Panginoong Jesus.” Hindi talaga namin mapigilan si Pablo, kaya sinabi na lang namin, “Matupad sana ang kalooban ng Panginoon.” Makaraan ang ilang araw, naghanda kami at umalis papuntang Jerusalem. Sinamahan kami ng ilang mga tagasunod ni Jesus na taga-Cesarea. Dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus at doon kami nakituloy. Si Mnason ay isa sa mga unang tagasunod ni Jesus. Pagdating namin sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. Kinabukasan, sumama kami kay Pablo at dinalaw namin si Santiago. Naroon din ang mga namumuno ng iglesya sa Jerusalem. Binati sila ni Pablo at ikinuwento niya ang lahat ng ginawa ng Dios sa mga hindi Judio sa pamamagitan niya. Nang marinig nila ito, nagpuri silang lahat sa Dios. At sinabi nila kay Pablo, “Alam mo kapatid, libu-libo nang mga Judio ang sumampalataya kay Jesus at silang lahat ay masigasig sa pagsunod sa Kautusan ni Moises. Nabalitaan nilang itinuturo mo sa mga Judiong nakatira sa ibang bansa na hindi na nila kailangang sumunod sa Kautusan ni Moises. Sinabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak o sundin ang iba pang kaugalian nating mga Judio. Ngayon, ano kaya ang dapat mong gawin? Sapagkat siguradong malalaman nila na nandito ka. Mabuti siguroʼy gawin mo ang sasabihin namin sa iyo. May apat na lalaki rito na may panata sa Dios. Sumama ka sa kanila at gawin ninyo ang seremonya sa paglilinis ayon sa Kautusan. Bayaran mo na rin ang gastos nila sa seremonya para makapagpaahit din sila ng kanilang ulo. Sa ganitong paraan, malalaman ng lahat na ang balita na narinig nila tungkol sa iyo ay hindi totoo, dahil makikita nila na ikaw din ay sumusunod sa Kautusan ni Moises. Kung tungkol sa mga hindi Judiong sumasampalataya kay Jesus, nakapagpadala na kami ng sulat sa kanila tungkol sa aming napagkasunduan na hindi sila kakain ng mga pagkain na inihandog sa mga dios-diosan, o dugo, o karne ng hayop na namatay na hindi tumulo ang dugo. At iwasan nila ang sekswal na imoralidad.” Kaya kinabukasan, isinama ni Pablo ang apat na lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, pumunta si Pablo sa templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang kanilang paglilinis para maihandog ang mga hayop para sa bawat isa sa kanila.
Mga Gawa 21:1-26 Ang Biblia (TLAB)
At nang mangyaring kami'y mangakahiwalay na sa kanila at mangaglayag, ay tuloytuloy na pinunta namin ang Coos, at nang kinabukasa'y ang Rodas, at buhat doo'y ang Patara: At nang aming masumpungan ang isang daong na dumaraang patungo sa Fenicia, ay nagsilulan kami, at nagsipaglayag. At nang matanaw namin ang Chipre, na maiiwan namin sa dakong kaliwa ay nagsilayag kaming hanggang sa Siria, at nagsidaong sa Tiro; sapagka't ilulunsad doon ng daong ang kaniyang lulan. At nang masumpungan ang mga alagad, ay nangatira kami doong pitong araw: at sinabi ng mga ito kay Pablo na sa pamamagitan ng Espiritu, na huwag siyang tutungtong sa Jerusalem. At nang mangyari na maganap namin ang mga araw na yaon, ay nagsialis kami at nangagpatuloy sa aming paglalakbay: at silang lahat, pati ng mga asawa at mga anak, ay humatid sa amin sa aming paglalakad hanggang sa labas ng bayan: at sa paninikluhod namin sa baybayin, kami'y nagsipanalangin, at nangagpaalaman sa isa't isa; At nagsilulan kami sa daong, datapuwa't sila'y muling nagsiuwi sa bahay. At nang aming matapos ang paglalayag buhat sa Tiro, ay nagsidating kami sa Tolemaida; at kami'y nagsibati sa mga kapatid, at kami'y nagsitahan sa kanilang isang araw. At nang kinabukasan ay nagsialis kami, at nagsidating sa Cesarea: at sa pagpasok namin sa bahay ni Felipe na evangelista, na isa sa pito, ay nagsitahan kaming kasama niya. Ang tao ngang ito'y may apat na anak na binibini, na nagsisipanghula. At sa pagtira namin doong ilang araw, ay dumating na galing sa Judea ang isang propeta, na nagngangalang Agabo. At paglapit sa amin, at pagkakuha ng pamigkis ni Pablo, ay ginapos niya ang kaniyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, Ganito ang sabi ng Espiritu Santo, Ganitong gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y kanilang ibibigay sa mga kamay ng mga Gentil. At nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at gayon din ang nangaroroon doon ay nagsipamanhik sa kaniya na huwag ng umahon sa Jerusalem. Nang magkagayo'y sumagot si Pablo, Anong ginagawa ninyo, na nagsisitangis at dinudurog ang aking puso? sapagka't ako'y nahahanda na hindi lamang gapusin, kundi mamatay rin naman sa Jerusalem dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus. At nang hindi siya pahikayat ay nagsitigil kami, na nagsisipagsabi, Mangyari ang kalooban ng Panginoon. At pagkatapos ng mga araw na ito ay binuhat namin ang aming daladalahan at nagsiahon kami sa Jerusalem. At nagsisama naman sa aming mula sa Cesarea ang ilan sa mga alagad, at kanilang isinama ang isang Mnason, na taga Chipre, isa sa mga kaunaunahang alagad, na sa kaniya kami magsisipanuluyan. At nang magsidating kami sa Jerusalem, ay tinanggap kami ng mga kapatid na may kagalakan. At nang sumunod na araw ay pumaroon si Pablo na kasama kami kay Santiago; at ang lahat ng mga matanda ay nangaroroon. At nang sila'y mangabati na niya, ay isaisang isinaysay niya sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Dios sa mga Gentil sa pamamagitan ng kaniyang ministerio. At sila, nang kanilang marinig yaon, ay niluwalhati ang Dios; at sa kaniya'y sinabi nila, Nakikita mo na, kapatid, kung ilang libo-libo ang mga Judio na nagsisisampalataya; at silang lahat ay pawang masisikap sa kautusan. At nabalitaan nila tungkol sa iyo, na itinuturo mo sa lahat ng mga Judio na nangasa mga Gentil na magsihiwalay kay Moises, na sinasabi mo sa kanila na huwag tuliin ang kanilang mga anak ni mangagsilakad ng ayon sa mga kaugalian. Ano nga baga ito? tunay na kanilang mababalitaang dumating ka. Gawin mo nga itong sinasabi namin sa iyo: Mayroon kaming apat katao na may panata sa kanilang sarili; Isama mo sila, maglinis kang kasama nila, at pagbayaran mo ang kanilang magugugol, upang sila'y mangagpaahit ng kanilang mga ulo: at maalaman ng lahat na walang katotohanan ang mga bagay na kanilang nabalitaan tungkol sa iyo; kundi ikaw rin naman ay lumalakad ng maayos na tumutupad ng kautusan. Nguni't tungkol sa mga Gentil na nagsisisampalataya, ay sinulatan namin, na pinagpayuhang sila'y magsiilag sa mga inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa binigti, at sa pakikiapid. Nang magkagayo'y isinama ni Pablo ang mga tao, at nang sumunod na araw nang makapaglinis na siyang kasama nila ay pumasok sa templo, na isinasaysay ang katuparan ng mga araw ng paglilinis, hanggang sa ihain ang haing patungkol sa bawa't isa sa kanila.
Mga Gawa 21:1-26 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)
Pagkatapos naming magpaalam sa kanila, kami'y naglakbay papuntang Cos. Kinabukasan, dumating kami sa Rodas at mula roo'y nagpatuloy kami sa Patara. Dinatnan namin doon ang isang barkong papuntang Fenicia, kaya't lumipat kami sa nasabing sasakyan. Dumaan kami sa tapat ng Cyprus na natatanaw sa gawing kaliwa. Nagpatuloy kami papuntang Siria, ngunit huminto muna sa Tiro ang barko sapagkat magbababâ roon ng kargamento. Hinanap namin ang mga alagad na naroon at nakituloy kami sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa patnubay ng Espiritu, sinabi nila kay Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. Ngunit nang dumating ang oras ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa paglalakbay. Kami ay inihatid nilang lahat, kasama ang kanilang mga asawa't mga anak, hanggang sa labas ng lunsod. Pagdating sa tabing-dagat, lumuhod kaming lahat at nanalangin. Pagkatapos naming magpaalam, sumakay na kami sa barko, at sila'y nagsiuwi na. Mula sa Tiro, nagpatuloy kami ng paglalakbay at nakarating kami sa Tolemaida. Nakipagkita kami sa mga kapatid at tumigil doon nang isang araw. Kinabukasan, tumuloy kami sa Cesarea sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong lalaking hinirang noong una sa Jerusalem. Siya'y may apat na anak na dalaga na pawang mga propeta. Makalipas ang ilang araw, dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangala'y Agabo. Pinuntahan niya kami, kinuha ang pamigkis ni Pablo at ginapos ang sariling paa at kamay. Sabi niya, “Ito ang sabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’” Pagkarinig nito, kami naman at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. Ngunit sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinapahina lamang ninyo ang loob ko! Handa ako, hindi lamang pagapos, kundi kahit mamatay doon sa Jerusalem kung kailangan, alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” Tumigil na kami nang hindi namin siya mapigilan. Nasabi na lamang namin, “Masunod ang kalooban ng Panginoon.” Makalipas ang ilang araw, gumayak kami at umalis papuntang Jerusalem. Sumama sa amin ang ilan sa mga alagad na taga-Cesarea at dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus at doon kami nakituloy. Si Mnason ay matagal nang mananampalataya. Pagdating sa Jerusalem, malugod naman kaming tinanggap ng mga kapatid. Kinabukasan, kami nina Pablo'y nakipagkita kay Santiago; naroon din ang mga pinuno ng iglesya. Binati ni Pablo ang mga naroon at isa-isa niyang isinalaysay ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod. Nang marinig nila ito, sila'y nagpuri sa Diyos at kanilang sinabi kay Pablo, “Alam mo, kapatid, may ilang libo na ang mga Judiong nananalig kay Jesus, at silang lahat ay masigasig sa pagtupad ng Kautusan. May nakapagbalita sa kanila na itinuturo mo raw sa lahat ng Judiong naninirahan sa mga bansang Hentil na tumalikod sa katuruan ni Moises. At sinasabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sundin ang kaugalian ng mga Judio. Ano ngayon ang nararapat nating gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. Ganito ang gawin mo, mayroon ditong apat na lalaking may panata; isama mo sila at tuparin ninyo ang paglilinis ayon sa Kautusan. Ikaw na ang bahala sa magagastos, at nang sa gayon ay mapaahitan na nila ang kanilang ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na hindi totoo ang balita tungkol sa iyo, kundi sumusunod ka pa rin sa Kautusan ni Moises. Tungkol naman sa mga mananampalatayang Hentil, isinulat na namin sa kanila ang aming pasya. Huwag silang kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag kakain ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag makikiapid.” Kinabukasan, isinama nga ni Pablo ang mga lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, siya'y pumasok sa Templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang takdang panahon ng paglilinis upang maialay ang handog para sa bawat isa sa kanila.
Mga Gawa 21:1-26 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)