Ngunit may ilang nagsabi nang pakutya, “Lasing lang ang mga iyan!”
Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga taga-Judea, at kayong lahat na mga panauhin sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng palagay ninyo. Alas nuwebe pa lamang ng umaga ngayon. Ang nakikita ninyo'y katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel,
‘Ito ang gagawin ko sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos,
‘Ipagkakaloob ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao;
ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki at babae ang aking mensahe.
Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain,
at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip.
Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu,
sa aking mga alipin, maging lalaki at maging babae,
at ipahahayag nila ang aking mensahe.
Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit
at mga himala sa lupa;
dugo, apoy at makapal na usok.
Ang araw ay magdidilim,
ang buwan ay pupulang parang dugo,
bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon.
At sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi ng tulong
sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’
“Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo. Ngunit ang taong ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama. Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos at hinango sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi siya kayang ikulong nito, gaya ng sinabi ni David tungkol sa kanya,
‘Alam kong kasama ko ang Panginoon sa tuwina,
hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko siya.
Kaya't ako'y nagdiriwang,
puso at diwa'y nagagalak,
gayundin naman ako'y mabubuhay nang may pag-asa.
Sapagkat hindi mo ako pababayaan sa daigdig ng mga patay;
at hindi mo pahihintulutang mabulok ang iyong Banal na Lingkod.
Itinuro mo sa akin ang mga landas upang ako'y mabuhay,
dahil sa ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.’