Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Gawa 2:13-28

Gawa 2:13-28 ASND

Pero tinuya ng iba ang mga mananampalataya. Sinabi nila, “Lasing lang ang mga iyan!” Kaya tumayo si Pedro kasama ang 11 apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga kababayan kong mga Judio, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, makinig kayo sa akin, dahil ipapaliwanag ko kung ano ang ibig sabihin ng mga nangyayaring ito. Mali ang inyong akala na lasing ang mga taong ito, dahil alas nuwebe pa lang ng umaga. Ang pangyayaring itoʼy katuparan ng ipinahayag ni propeta Joel noon: ‘Sinabi ng Dios, “Sa mga huling araw, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng uri ng tao. Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng aking mga salita; ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain; at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip. Oo, sa mga araw na iyon, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga lingkod na lalaki at babae, at ipapahayag nila ang aking mga salita. Magpapakita ako ng mga himala sa langit at sa lupa sa pamamagitan ng dugo, apoy, at makapal na usok. Magdidilim ang araw, at ang buwan ay pupula katulad ng dugo. Mangyayari ito bago dumating ang kamangha-manghang araw ng paghahatol ng Panginoon. Ngunit ang sinumang tatawag sa Panginoon ay maliligtas sa parusang darating.” ’ ” Nagpatuloy si Pedro sa pagsasalita, “Mga kababayan kong Israelita, makinig kayo sa akin! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Dios sa inyo, at pinatotohanan ito ng Dios sa pamamagitan ng mga himala at kamangha-manghang ginawa niya sa pamamagitan ni Jesus. Alam nʼyo mismo ang mga ito dahil ang lahat ng itoʼy nangyari rito sa inyo. Alam na noon pa ng Dios na itong si Jesus ay ibibigay sa inyo at ganito na talaga ang kanyang plano. Ipinapatay ninyo siya sa mga makasalanang tao na nagpako sa kanya sa krus. Ngunit binuhay siya ng Dios at iniligtas mula sa kapangyarihan ng kamatayan, dahil ang totoo, kahit ang kamatayan ay walang kapangyarihang pigilan siya. Ito ang sinabi ni David na para rin sa kanya, ‘Alam kong ang Panginoon ay lagi kong kasama at hindi niya ako pinapabayaan, kaya hindi ako nangangamba. Kaya masaya ako, at hindi mapigil ang aking pagpupuri sa Dios. At kahit mamatay ako, may pag-asa pa rin ako. Sapagkat alam kong hindi mo ako pababayaan doon sa libingan. Hindi mo rin hahayaang mabulok ang iyong tapat na lingkod. Itinuro mo sa akin ang daan patungo sa buhay, at dahil sa palagi kitang kasama, masayang-masaya ako.’