Ngunit ang mga iba'y nanlilibak na nagsabi, “Sila'y lasing sa bagong alak.”
Ngunit si Pedro, na nakatayong kasama ng labing-isa, ay nagtaas ng kanyang tinig, at nagpahayag sa kanila, “Kayong mga kalalakihan ng Judea at kayong lahat na naninirahan sa Jerusalem, malaman sana ninyo ito, at makinig kayo sa aking sasabihin.
Ang mga ito'y hindi lasing, na gaya ng inyong inaakala, sapagkat ngayo'y ikatlong oras pa lamang.
Ngunit ito ay yaong ipinahayag sa pamamagitan ni propeta Joel:
‘At sa mga huling araw, sabi ng Diyos,
mula sa aking Espiritu ay magbubuhos ako sa lahat ng laman;
at ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay magsasalita ng propesiya,
at ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain,
ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip.
Maging sa aking mga aliping lalaki at mga aliping babae,
sa mga araw na iyon ay magbubuhos ako mula sa aking Espiritu;
at sila'y magsasalita ng propesiya.
At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit sa itaas,
at mga tanda sa lupa sa ibaba, dugo, at apoy, at makapal na usok.
Ang araw ay magiging kadiliman,
at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon.
At mangyayari na ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’
“Kayong mga Israelita, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga-Nazaret, isang lalaking pinatunayan ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan, mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya ng nalalaman ninyo—
Siya, na ibinigay sa takdang pasiya at paunang kaalaman ng Diyos ay inyong ipinako sa krus at pinatay sa pamamagitan ng kamay ng mga makasalanan.
Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos, pagkatapos palayain sa mga hirap ng kamatayan, sapagkat hindi maaaring siya'y mapigilan nito.
Sapagkat sinasabi ni David tungkol sa kanya,
‘Nakita ko ang Panginoon na laging kasama ko,
sapagkat siya'y nasa aking kanang kamay, upang huwag akong matinag;
kaya't nagalak ang aking puso, at natuwa ang aking dila;
gayundin ang aking katawan ay mananatiling may pag-asa.
Sapagkat hindi mo hahayaan ang kaluluwa ko sa Hades,
ni ipahihintulot man na ang iyong Banal ay makakita ng kabulukan.
Ipinaalam mo sa akin ang mga daan ng buhay;
pupuspusin mo ako ng kagalakan sa iyong harapan.’