Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Samuel 2:12-26

1 Samuel 2:12-26 RTPV05

Ang dalawang anak ni Eli ay parehong lapastangan at walang takot kay Yahweh. Wala rin silang galang sa regulasyon ng pagkapari. Tuwing may maghahandog, pinapapunta nila ang kanilang mga katulong habang pinapakuluan pa lang ang karne. May dala silang malaking tinidor na may tatlong ngipin at itinutusok sa loob ng malaking kaldero o palayok. Lahat ng matusok o sumama sa tinidor ay itinuturing na nilang para sa pari. Ginagawa nila ito tuwing maghahandog sa Shilo ang mga Israelita. Hindi lamang iyon. Bago pa maihandog ang taba ng karne, nilalapitan na ng mga katulong ang mga naghahandog at sinasabi, “Hilaw na karne ang ibibigay ninyo sa pari. Hindi niya kukunin kapag luto na ang ibibigay ninyo. Hilaw ang gusto niya upang maiihaw niya ito.” Kapag sinabi ng naghahandog na hintayin munang maialay ang taba bago sila kumuha hanggang gusto nila, ganito ang kanilang sinasabi: “Hindi maaari! Bigyan na ninyo kami. Kung hindi'y aagawin namin 'yan sa inyo.” Malaking pagkakasala ang ginagawa nilang ito sapagkat ito'y paglapastangan sa handog para kay Yahweh. Nagpatuloy ng paglilingkod kay Yahweh ang batang si Samuel, na noo'y nakasuot ng efod. Taun-taon, gumagawa ng balabal ang kanyang ina at ibinibigay ito sa kanya tuwing ang kanyang mga magulang ay naghahandog sa Shilo. Ang mag-asawang Elkana at Ana naman ay laging binabasbasan ni Eli. Sinasabi niya, “Pagpalain nawa kayo ni Yahweh. Nawa'y bigyan pa niya kayo ng mga anak bilang kapalit ng inihandog ninyo sa kanya.” Matapos mabasbasan, umuuwi na sila. Nagkatotoo ang sinabi sa kanila ni Eli. Si Ana'y pinagpala ni Yahweh, at paglipas ng ilang taon siya'y nanganak pa ng tatlong lalaki at dalawang babae. Samantala, lumaki naman si Samuel sa paglilingkod kay Yahweh. Matanda na noon si Eli. Umabot na sa kanyang kaalaman ang kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Alam na rin niya ang pagsiping nila sa mga babaing naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan. Kaya, pinangaralan niya ang mga ito, “Mga anak, nababalitaan ko ang kasamaang ginagawa ninyo sa mga tao. Bakit ninyo ginagawa iyon? Tigilan na ninyo iyan. Napakapangit ng usap-usapang kumakalat tungkol sa inyo. Kung ang isang tao'y magkasala sa kanyang kapwa, maaaring mamagitan sa kanila si Yahweh, ngunit sino ang mamamagitan kung kay Yahweh siya nagkasala?” Ngunit hindi siya pinakinggan ng kanyang mga anak sapagkat nais na silang parusahan ni Yahweh. Si Samuel nama'y patuloy na lumaking kalugud-lugod kay Yahweh at sa mga tao.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa 1 Samuel 2:12-26

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya