Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I SAMUEL 2:12-26

I SAMUEL 2:12-26 ABTAG01

Ngayon, ang mga anak ni Eli ay mga lapastangan; wala silang pakundangan sa PANGINOON, o sa mga katungkulan ng mga pari sa mga taong-bayan. Kapag ang sinuma'y naghahandog ng alay, lumalapit ang lingkod ng pari habang ang laman ay pinakukuluan na may hawak sa kamay na pang-ipit na may tatlong pantusok. Ilalagay niya ito sa kawali, o sa kawa, o sa kaldero, o sa palayok at lahat ng mahahango ng pantusok ay kukunin ng pari para sa kanyang sarili. Gayon ang ginagawa nila sa Shilo sa lahat ng mga Israelitang nagpupunta roon. Bukod dito, bago nila sunugin ang taba, lalapit ang lingkod ng pari at sasabihin sa lalaking naghahandog, “Bigyan mo ng maiihaw na laman ang pari, sapagkat hindi siya tatanggap mula sa iyo ng lutong laman, kundi hilaw.” Kung sabihin ng lalaki sa kanya, “Sunugin muna nila ang taba at saka ka kumuha ng gusto mo,” ay sasabihin niya, “Hindi, dapat mong ibigay na ngayon; at kung hindi, ay kukunin ko nang sapilitan.” Kaya't ang kasalanan ng mga kabataang iyon ay napakalaki sa harap ng PANGINOON; sapagkat winalang kabuluhan ng mga tao ang handog sa PANGINOON. Si Samuel ay naglilingkod sa harap ng PANGINOON, isang batang may bigkis na linong efod. At iginagawa siya noon ng kanyang ina ng isang munting balabal at dinadala sa kanya taun-taon, kapag siya'y umaahong kasama ng kanyang asawa upang maghandog ng taunang alay. Binabasbasan naman ni Eli si Elkana at ang kanyang asawa at sinasabi, “Bigyan ka nawa ng PANGINOON ng binhi sa babaing ito para sa kahilingan na kanyang hiniling sa PANGINOON.” Pagkatapos sila'y umuuwi sa kanilang sariling bahay. Dinalaw ng PANGINOON si Ana at siya'y naglihi, at nagkaanak ng tatlong lalaki at dalawang babae. At ang batang si Samuel ay lumaki sa harapan ng PANGINOON. Ngayon si Eli ay napakatanda na. Kanyang nabalitaan ang lahat ng ginagawa ng kanyang mga anak sa buong Israel, at kung paanong sila'y sumisiping sa mga babae na naglilingkod sa pintuan ng toldang tipanan. Kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginagawa ang mga gayong bagay? Sapagkat nababalitaan ko sa buong bayan ang inyong masasamang gawain. Huwag, mga anak ko; sapagkat hindi mabuting balita ang naririnig ko na ikinakalat ng bayan ng PANGINOON. Kung ang isang tao ay magkasala laban sa isang tao, ang Diyos ay mamamagitan para sa kanya; ngunit kung ang isang tao ay magkasala laban sa PANGINOON, sino ang mamamagitan para sa kanya?” Subalit ayaw nilang pakinggan ang tinig ng kanilang ama, sapagkat kalooban ng PANGINOON na patayin sila. Ang batang si Samuel ay patuloy na lumaki sa pangangatawan at gayundin sa pagbibigay-lugod sa PANGINOON at sa mga tao.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa I SAMUEL 2:12-26

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya