Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Hari 8:44-66

1 Mga Hari 8:44-66 RTPV05

“Kapag inutusan ninyo ang inyong bayan na makipagdigma sa kanilang mga kaaway bilang pagsunod sa inyong kalooban, kapag sila'y humarap sa lunsod na ito na inyong pinili, sa Templong ito na ipinatayo ko para sa inyong karangalan, pakinggan ninyo sila at papagtagumpayin ninyo sila. “Yahweh, ang lahat po ay nagkasala. Kung ang bayang ito'y magkasala sa inyo at dahil sa galit ninyo'y pinabayaan ninyo silang mabihag ng kanilang mga kaaway sa malayo o malapit man, kung sa lupaing pinagdalhan sa kanila'y makilala nila ang kanilang kamalian at tanggapin nilang sila nga'y naging masama at nagkasala sa inyo, sa sandaling sila'y magsisi at magbalik-loob sa inyo, at mula doo'y humarap sila sa lupaing kaloob sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na ito na inyong pinili, sa Templong ito na ipinatayo ko sa inyong pangalan, pakinggan ninyo sila mula sa tahanan ninyo sa langit at ipaglaban po ninyo sila. Patawarin ninyo ang inyong bayan sa kanilang pagkakasala sa inyo. Loobin ninyong kahabagan sila ng mga kaaway na bumihag sa kanila, sapagkat ito ang bayang inyong pinili at inilabas mula sa Egipto, ang lupaing tulad sa nagliliyab na hurno. “Lagi ninyong lingapin ang bayang Israel; lagi ninyong pakinggan ang kanilang panawagan. Kayo at wala nang iba pa ang pumili sa kanila mula sa lahat ng mga bansa sa buong mundo, upang sila'y maging inyo. Ito, Panginoong Yahweh, ang sinabi ninyo sa pamamagitan ni Moises nang hanguin ninyo sa Egipto ang aming mga ninuno.” Nakaluhod si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh at nakataas ang mga kamay samantalang nananalangin. Nang matapos ang kanyang pananawagan kay Yahweh, tumayo siya at sa malakas na tinig ay binasbasan ang buong Israel na nagkakatipon doon. “Purihin si Yahweh! Tinupad niyang lahat ang kanyang mga pangako, at binigyan ng kapayapaan ang bayan niyang Israel. Sa lahat niyang mga pangako kay Moises, wala isa mang nasira. Sumaatin nawang lagi si Yahweh, ang ating Diyos, gaya ng ginawa niya sa ating mga ninuno. Huwag nawa niya tayong pabayaan o itakwil kailanman. Tulungan nawa niya tayong maging tapat sa kanya, upang mamuhay ayon sa kanyang kalooban, at sundin ang kanyang mga batas, tuntunin at hatol, gaya ng ipinag-utos niya sa ating mga ninuno. Manatili nawa araw-gabi sa harapan ni Yahweh itong aking panalangin upang sa bawat araw ay pagkalooban niya ng katarungan ang kanyang alipin, at ang kanyang bayang Israel ayon sa hinihingi ng pagkakataon. Sa gayon, malalaman ng lahat ng tao sa balat ng lupa na si Yahweh ay Diyos, at liban sa kanya'y wala nang iba. Manatili nga kayong tapat kay Yahweh, na ating Diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos, tulad ng ginagawa ninyo ngayon.” Sa pagtitipong ito nag-alay si Solomon at ang buong Israel ng napakaraming handog. Nagpatay sila ng 22,000 baka at 120,000 tupa bilang handog na pinagsasaluhan. Sa gayong paraan ginawa ni Solomon at ng buong Israel ang pagtatalaga ng Templo ni Yahweh. Nang araw ding iyon, itinalaga ni Solomon ang bulwagan sa harap ng Templo. Doon niya inihain ang handog na susunugin, ang mga handog na pagkaing butil, at ang mga taba ng handog na pinagsasaluhan sapagkat ang altar na tanso sa harapan ng Templo ay napakaliit para sa ganoon karaming handog. Kaya nga't nang taóng iyon, natipon sa Jerusalem ang buong Israel mula sa Pasong Hamat hanggang sa Batis ng Egipto. Sa pamumuno ni Solomon, ipinagdiwang nila ang Pista ng mga Tolda sa loob ng pitong araw. Sa ikawalong araw, pinauwi na ni Solomon ang mga mamamayan. Masaya silang umuwi at binasbasan ang hari dahil sa mga pagpapalang ipinagkaloob ni Yahweh kay David na kanyang lingkod, at sa kanyang bayang Israel.