Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 8:44-66

I MGA HARI 8:44-66 ABTAG01

“Kung ang iyong bayan ay lumabas upang makidigma sa kanyang mga kaaway, saanmang daan mo sila suguin, at sila'y manalangin sa PANGINOON paharap sa lunsod na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan; dinggin mo sa langit ang kanilang dalangin at ang kanilang kahilingan at panatilihin mo ang kanilang ipinaglalaban. “Kung sila'y nagkasala laban sa iyo, (sapagkat walang taong hindi nagkakasala,) at ikaw ay nagalit sa kanila, at ibigay mo sila sa kaaway, anupa't sila'y dalhing bihag sa lupain ng kaaway sa malayo man o malapit; gayunma'y kung kanilang isapuso ito sa lupain na pinagdalhang-bihag sa kanila, at sila'y magsisi, at magsumamo sa iyo sa lupain ng nagdalang-bihag sa kanila na nagsasabi, ‘Kami ay nagkasala, at kami ay gumawa ng kalikuan, at kami ay gumagawa ng kasamaan’; kung sila'y magsisi ng buong puso nila at ng buong kaluluwa nila sa lupain ng kanilang mga kaaway, na nagdalang-bihag sa kanila at manalangin sa iyo paharap sa kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno sa lunsod na pinili mo, at sa bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan, pakinggan mo ang kanilang dalangin at ang kanilang samo sa langit na iyong tahanan, at panatilihin mo ang kanilang ipinaglalaban. Patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo, at ang lahat nilang pagsuway na kanilang ginawa laban sa iyo. Mahabag ka sa kanila sa harap ng mga nagdalang-bihag sa kanila, upang sila'y mahabag sa kanila (sapagkat sila'y iyong bayan at iyong mana, na iyong inilabas sa Ehipto mula sa gitna ng hurnong bakal). Mabuksan nawa ang iyong mga mata sa dalangin ng iyong lingkod at sa dalangin ng iyong bayang Israel, na iyong dinggin sila kapag sila'y tumatawag sa iyo. Sapagkat iyong ibinukod sila mula sa lahat ng mga bayan sa lupa, upang maging iyong mana, gaya ng iyong ipinahayag sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod, nang iyong ilabas ang aming mga ninuno sa Ehipto, O Panginoong DIYOS.” Pagkatapos na ialay ni Solomon ang lahat ng dalangin at samong ito sa PANGINOON, siya'y tumindig mula sa harap ng dambana ng PANGINOON at doon ay lumuhod na ang kanyang mga kamay ay nakalahad paharap sa langit. Siya'y tumayo, at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel ng may malakas na tinig, na sinasabi, “Purihin ang PANGINOON na nagbigay ng kapahingahan sa kanyang bayang Israel, ayon sa lahat ng kanyang ipinangako. Walang nagkulang ni isang salita sa lahat niyang mabuting pangako na kanyang ipinangako sa pamamagitan ni Moises na kanyang lingkod. Sumaatin nawa ang PANGINOON nating Diyos, kung paanong siya'y sumaating mga magulang, huwag nawa niya tayong iwan o pabayaan man; upang kanyang ibaling ang ating mga puso sa kanya, upang lumakad sa lahat ng kanyang mga daan, at sundin ang kanyang mga utos, at ang kanyang mga tuntunin, at ang kanyang mga kahatulan na kanyang iniutos sa ating mga ninuno. At ang mga salitang ito na aking idinalangin sa harap ng PANGINOON ay malapit nawa sa PANGINOON nating Diyos sa araw at gabi, at panatilihin nawa niya ang ipinaglalaban ng kanyang lingkod, at ang ipinaglalaban ng kanyang bayang Israel, ayon sa kailangan sa bawat araw; upang malaman ng lahat ng tao sa lupa, na ang PANGINOON ay Diyos; wala ng iba. Kaya't maging tapat nawa ang inyong puso sa PANGINOON nating Diyos, na lumakad sa kanyang mga tuntunin, at sundin ang kanyang mga utos, gaya sa araw na ito.” Pagkatapos, ang hari at ang buong Israel na kasama niya ay naghandog ng alay sa harap ng PANGINOON. Nag-alay si Solomon bilang mga handog pangkapayapaan sa PANGINOON, ng dalawampu't dalawang libong baka, at isandaan at dalawampung libong tupa. Ganito itinalaga ng hari at ng lahat ng mga anak ni Israel ang bahay ng PANGINOON. Nang araw ding iyon ay ginawang banal ng hari ang gitna ng bulwagan na nasa harap ng bahay ng PANGINOON, sapagkat doon niya inialay ang handog na sinusunog, ang handog na butil, at ang mga piraso ng taba ng mga handog pangkapayapaan, sapagkat ang tansong dambana na nasa harap ng PANGINOON ay napakaliit, na hindi magkasiya roon ang handog na sinusunog, ang handog na butil, at ang taba ng mga handog pangkapayapaan. Gayon ipinagdiwang ni Solomon ang kapistahan nang panahong iyon at ng buong Israel na kasama niya, isang malaking pagtitipon, mula sa pasukan sa Hamat hanggang sa batis ng Ehipto, sa harap ng PANGINOON nating Diyos, pitong araw, at pitong araw, samakatuwid ay labing-apat na araw. Nang ikawalong araw ay kanyang pinauwi ang taong-bayan; at kanilang pinuri ang hari at naparoon sa kanilang mga tolda na nagagalak at may masayang puso dahil sa lahat ng kabutihan na ipinakita ng PANGINOON kay David na kanyang lingkod, at sa Israel na kanyang bayan.