Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Hari 8:22-43

1 Mga Hari 8:22-43 RTPV05

Pagkatapos nito, sa harapan pa rin ng buong bayan, tumayo si Solomon sa harap ng altar. Itinaas niya ang mga kamay, at nanalangin ng ganito: “Yahweh, Diyos ng Israel, sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos na tulad ninyo. Tapat kayo sa inyong mga pangako sa inyong mga alipin; wagas ang pag-ibig na ipinadarama ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo. Tinupad ninyo ang inyong pangako sa aking amang si David; ang ipinangako ninyo noon ay tinupad ninyo ngayon. Kaya nga Yahweh, ipagpatuloy ninyong tuparin ang inyong pangako kay David na sa habang panahon ay magmumula sa kanyang angkan ang maghahari sa Israel, kung sila'y mananatiling tapat sa inyo gaya ng ginawa niya. Pagtibayin ninyo, Diyos ng Israel, ang mga pangakong binitiwan ninyo sa aking amang si David na inyong alipin. “Maaari bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay di sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na templo na aking itinayo! Gayunman, pakinggan ninyo ang dalangin at pagsamo ng inyong alipin, O Yahweh, aking Diyos. Dinggin ninyo sa araw na ito ang panawagan ng inyong alipin. Huwag ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang kayo ang maysabi na ang pangalan ninyo'y mamamalagi rito. Sa gayon maririnig ninyo ang bawat dalangin ng inyong alipin tuwing mananalangin sa lugar na ito. “Pakinggan po ninyo ang inyong lingkod at ang inyong bayang Israel tuwing kami'y mananalanging paharap sa lugar na ito. Pakinggan ninyo kami buhat sa inyong tahanan sa langit at patawarin ninyo kami! “Kapag nagkasala sa kanyang kapwa ang isang tao, at siya'y pinanumpa sa harap ng inyong altar sa Templong ito, pakinggan ninyo sila buhat sa langit at kayo ang humatol sa kanila. Parusahan ninyo ang nagkasala at pagpalain ninyo ang walang kasalanan. “Kapag natalo ng kanilang mga kaaway ang bayan ninyong Israel dahil sa pagtalikod nila sa inyo, sa sandaling magbalik-loob sila sa inyo, kumilala sa inyong kapangyarihan, nanalangin at nanawagan sa inyo sa Templong ito, pakinggan ninyo sila at patawarin. Ibalik ninyo sila sa lupaing ibinigay ninyo sa kanilang mga ninuno. “Kapag ang langit ay nagkait ng ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang bayang Israel, kung sila'y manalangin sa Templong ito at magpuri sa inyong pangalan, kapag sila'y nagsisi sa kanilang kasalanan sa pagkakilalang iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa, pakinggan ninyo sila, Yahweh. Patawarin ninyo ang inyong mga alipin, ang bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang lakaran. Ibuhos na ninyo ang ulan sa lupaing ibinigay ninyo sa inyong bayan. “Kung lumaganap sa lupain ang gutom at salot, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng uod at balang, kapag ang alinman sa kanilang lunsod ay kinubkob ng kaaway, pakinggan ninyo ang kanilang dalangin. Sa sandaling sila'y magsisi at iunat ang kanilang mga kamay paharap sa lugar na ito upang tumawag at magmakaawa sa inyo, pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan at sila'y patawarin. Ibigay ninyo sa kanila ang nararapat sa kanilang mga gawa, sapagkat kayo lamang ang nakakaalam kung ano ang nasa puso ng mga tao. Sa gayon, mananatili silang may takot sa inyo habang sila'y nabubuhay dito sa lupaing ibinigay ninyo sa aming mga ninuno. “Kung ang isang dayuhan na mula pa sa malayong lugar na nakarinig ng kadakilaan ng inyong pangalan at mga kabutihang ginawa ninyo para sa inyong bayang Israel ay nanirahan sa bayang ito at nagsadya sa Templong ito upang manalangin, pakinggan ninyo siya buhat sa langit na inyong tahanan, at ipagkaloob ang kanyang hinihiling. Sa gayon, makikilala ng lahat ng tao sa buong mundo ang inyong pangalan at sila'y sasamba sa inyo, tulad ng Israel. Malalaman nilang dito sa Templong ito na aking itinayo, ang inyong pangalan ay dapat sambahin.