Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Hari 8:22-43

1 Hari 8:22-43 ASND

Sa harap ng buong kapulungan ng Israel, lumapit si Solomon sa altar ng PANGINOON at itinaas niya ang kanyang mga kamay, at nanalangin, “PANGINOON, Dios ng Israel, wala pong Dios na katulad ninyo sa langit o sa lupa. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan at ipinapakita ninyo ang inyong pag-ibig sa mga lingkod ninyong buong pusong sumusunod sa inyo. Tinupad nʼyo ang inyong ipinangako sa aking amang si David na inyong lingkod. Kayo po ang nangako, at kayo rin ang tumupad sa araw na ito. At ngayon, PANGINOON, Dios ng Israel, tuparin nʼyo rin po ang ipinangako ninyo sa lingkod ninyong si David na aking ama nang sinabi nʼyo sa kanya, ‘Laging sa angkan mo magmumula ang maghahari sa Israel kung matapat na susunod sa akin ang mga angkan mo, tulad ng iyong ginawa.’ Kaya ngayon, O Dios ng Israel, tuparin nʼyo ang ipinangako ninyo sa lingkod ninyong si David na aking ama. “Pero makakapanahan po ba talaga kayo, O Dios, dito sa mundo? Ni hindi nga po kayo magkasya kahit sa pinakamataas na langit, dito pa kaya sa templo na ipinatayo ko? Ngunit pakinggan ninyo ako na inyong lingkod sa aking pananalangin at pagsusumamo, O PANGINOON na aking Dios. Pakinggan nʼyo ang panawagan at pananalangin ko sa inyong presensya ngayon. Ingatan nʼyo po sana ang templong ito araw at gabi, ang lugar na sinabi nʼyong dito pararangalan ang pangalan nʼyo. Pakinggan nʼyo po sana ako na inyong lingkod sa aking pananalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan nʼyo po ang kahilingan ko at ng mga mamamayan nʼyo kapag silaʼy nanalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan nʼyo kami riyan sa inyong luklukan sa langit. At kung marinig nʼyo kami, patawarin nʼyo po kami. “Kung ang isang tao ay pinagbintangang nagkasala sa kanyang kapwa, at pinapunta siya sa inyong altar sa templo na ito para sumumpa na inosente siya, dinggin nʼyo po ito riyan sa langit at hatulan ang inyong mga lingkod –  ang nagbintang at ang pinagbintangan. Parusahan nʼyo po ang nagkasala ayon sa kanyang ginawa at palayain ang walang sala para mahayag na inosente siya. “Kung ang mga mamamayan nʼyong Israelita ay matalo ng mga kalaban nila dahil nagkasala sila sa inyo at kung manumbalik sila at magpuri at manalangin sa templong ito, dinggin nʼyo po sila riyan sa langit. Patawarin nʼyo sila sa kanilang kasalanan at dalhin ninyo sila pabalik sa lupaing ibinigay ninyo sa kanilang mga ninuno. “Kung hindi nʼyo pauulanin, dahil nagkasala ang inyong mga mamamayan sa inyo, at kung manalangin po silang nakaharap sa templong ito at magpuri sa inyo, at magsisi sa kanilang mga kasalanan dahil pinarusahan nʼyo sila, dinggin nʼyo po sila riyan sa langit. Patawarin nʼyo po sila na inyong mga lingkod, ang inyong mga mamamayang Israelita. Turuan nʼyo po sila ng matuwid na pamumuhay, at padalhan ng ulan ang lupain na inyong ibinigay sa kanila bilang pag-aari. “Kung may dumating pong taggutom sa lupain ng inyong mga mamamayan, o salot, o malanta ang mga tanim, o peste sa mga tanim gaya ng mga balang at mga uod, o palibutan ng mga kalaban ang alinman sa kanilang mga lungsod, o sumapit man sa kanila ang kahit anong karamdaman, at kung mayroon po sa kanila na mananalangin o hihiling sa inyo dinggin nʼyo po sila, at kung kinikilala po nilang dahil sa kanilang mga kasalanan dumating ang mga pagtitiis at sakuna sa kanila, at manalangin po sila ng nakataas ang kanilang mga kamay, na nakaharap sa templong ito, dinggin nʼyo po sila riyan sa inyong luklukan sa langit. Kumilos po kayo at patawarin sila, at gawin sa bawat isa ang nararapat sa kanilang mga ginawa, dahil alam nʼyo po ang bawat puso nila. Tunay na tanging kayo lamang po ang nakakaalam ng puso ng lahat ng tao. Gawin nʼyo po ito para gumalang sila sainyo habang nabubuhay sila sa lupaing ibinigay nʼyo sa aming mga ninuno. “Kung ang mga dayuhan na nakatira sa malayong lugar ay makarinig ng inyong kadakilaan at kapangyarihan, at pumunta sila rito para sumamba sa inyo at manalangin na nakaharap sa templong ito, dinggin nʼyo po sila riyan sa inyong luklukan sa langit. At gawin ang kahit anong hinihiling nila, para ang lahat po ng tao sa mundo ay makakilala sa inyo at gumalang po sa inyo gaya ng inyong mga mamamayang Israelita. At para malaman po nilang pinaparangalan kayo sa templo na aking ipinatayo.