Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Hari 8:1-43

1 Mga Hari 8:1-43 RTPV05

Ang pinuno ng Israel at ang mga pinuno ng mga lipi at ng mga angkan ng Israel ay ipinatawag ni Solomon sa Jerusalem upang kunin ang Kaban ng Tipan sa Zion, ang lunsod ni David. Kaya nagpunta kay Solomon ang mga pinuno ng Israel noong kapistahan ng ikapitong buwan ng taon. Nang naroon na ang lahat, binuhat ng mga pari ang Kaban ng Tipan. Tinulungan sila ng mga Levita sa pagdadala ng Kaban ng Tipan, ng Tolda, at ng mga kagamitang naroroon. Hindi mabilang ang mga baka at tupang inihandog ni Haring Solomon at ng buong Israel sa harap ng Kaban ng Tipan. Pagkatapos, ipinasok ng mga pari ang Kaban ng Tipan sa Dakong Kabanal-banalan, at inilagay sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Nakabuka ang pakpak ng mga kerubin, kaya't nalulukuban ng mga iyon ang Kaban ng Tipan at ang mga pasanan nito. Lampas sa Kaban ang mga dulo ng pasanan, kaya't kitang-kita sa Dakong Banal, sa harap ng Dakong Kabanal-banalan; ngunit hindi nakikita sa labas. Naroon pa ang mga pasanan hanggang sa panahong ito. Walang ibang laman ang Kaban kundi ang dalawang tapyas ng batong inilagay roon ni Moises noong sila'y nasa Sinai. Ito ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa bayang Israel noong umalis sila sa lupain ng Egipto. Pagkalabas ng mga pari, ang Templo'y napuno ng ulap; kaya't hindi sila makapagpatuloy ng gawain sa loob. Ang Templo'y napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. Kaya't sinabi ni Solomon: “O Yahweh, kayo ang naglagay ng araw sa langit, ngunit minabuti ninyong manirahan sa makapal na ulap. Ipinagtayo ko kayo ng isang kahanga-hangang Templo, isang bahay na titirhan ninyo habang panahon.” Pagkatapos, humarap si Solomon sa buong bayan at sila'y binasbasan. Wika niya, “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako kay David na aking ama. Sinabi niya noon, ‘Mula pa nang ilabas ko sa Egipto ang aking bayang Israel hanggang ngayon, hindi ako pumili ng alinmang lunsod sa labindalawang lipi upang ipagtayo ako ng Templo na kung saa'y sasambahin ang aking pangalan. Ngunit pinili ko si David upang mamuno sa aking bayan.’ “Binalak ng aking ama na ipagtayo ng Templo si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, ‘Maganda ang balak mong magtayo ng Templo para sa akin, subalit hindi ikaw ang magtatayo niyon. Ang iyong magiging anak ang siyang magtatayo ng Templo para sa ikararangal ng aking pangalan.’ “Natupad ngayon ang pangako ni Yahweh. Humalili ako sa aking amang si David at naupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako niya. Naitayo ko na ang Templo para sa ikararangal ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Naglaan ako roon ng lugar para sa Kaban na kinalalagyan ng Tipan na ibinigay ni Yahweh sa ating mga ninuno nang sila'y ilabas niya sa Egipto.” Pagkatapos nito, sa harapan pa rin ng buong bayan, tumayo si Solomon sa harap ng altar. Itinaas niya ang mga kamay, at nanalangin ng ganito: “Yahweh, Diyos ng Israel, sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos na tulad ninyo. Tapat kayo sa inyong mga pangako sa inyong mga alipin; wagas ang pag-ibig na ipinadarama ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo. Tinupad ninyo ang inyong pangako sa aking amang si David; ang ipinangako ninyo noon ay tinupad ninyo ngayon. Kaya nga Yahweh, ipagpatuloy ninyong tuparin ang inyong pangako kay David na sa habang panahon ay magmumula sa kanyang angkan ang maghahari sa Israel, kung sila'y mananatiling tapat sa inyo gaya ng ginawa niya. Pagtibayin ninyo, Diyos ng Israel, ang mga pangakong binitiwan ninyo sa aking amang si David na inyong alipin. “Maaari bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay di sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na templo na aking itinayo! Gayunman, pakinggan ninyo ang dalangin at pagsamo ng inyong alipin, O Yahweh, aking Diyos. Dinggin ninyo sa araw na ito ang panawagan ng inyong alipin. Huwag ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang kayo ang maysabi na ang pangalan ninyo'y mamamalagi rito. Sa gayon maririnig ninyo ang bawat dalangin ng inyong alipin tuwing mananalangin sa lugar na ito. “Pakinggan po ninyo ang inyong lingkod at ang inyong bayang Israel tuwing kami'y mananalanging paharap sa lugar na ito. Pakinggan ninyo kami buhat sa inyong tahanan sa langit at patawarin ninyo kami! “Kapag nagkasala sa kanyang kapwa ang isang tao, at siya'y pinanumpa sa harap ng inyong altar sa Templong ito, pakinggan ninyo sila buhat sa langit at kayo ang humatol sa kanila. Parusahan ninyo ang nagkasala at pagpalain ninyo ang walang kasalanan. “Kapag natalo ng kanilang mga kaaway ang bayan ninyong Israel dahil sa pagtalikod nila sa inyo, sa sandaling magbalik-loob sila sa inyo, kumilala sa inyong kapangyarihan, nanalangin at nanawagan sa inyo sa Templong ito, pakinggan ninyo sila at patawarin. Ibalik ninyo sila sa lupaing ibinigay ninyo sa kanilang mga ninuno. “Kapag ang langit ay nagkait ng ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang bayang Israel, kung sila'y manalangin sa Templong ito at magpuri sa inyong pangalan, kapag sila'y nagsisi sa kanilang kasalanan sa pagkakilalang iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa, pakinggan ninyo sila, Yahweh. Patawarin ninyo ang inyong mga alipin, ang bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang lakaran. Ibuhos na ninyo ang ulan sa lupaing ibinigay ninyo sa inyong bayan. “Kung lumaganap sa lupain ang gutom at salot, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng uod at balang, kapag ang alinman sa kanilang lunsod ay kinubkob ng kaaway, pakinggan ninyo ang kanilang dalangin. Sa sandaling sila'y magsisi at iunat ang kanilang mga kamay paharap sa lugar na ito upang tumawag at magmakaawa sa inyo, pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan at sila'y patawarin. Ibigay ninyo sa kanila ang nararapat sa kanilang mga gawa, sapagkat kayo lamang ang nakakaalam kung ano ang nasa puso ng mga tao. Sa gayon, mananatili silang may takot sa inyo habang sila'y nabubuhay dito sa lupaing ibinigay ninyo sa aming mga ninuno. “Kung ang isang dayuhan na mula pa sa malayong lugar na nakarinig ng kadakilaan ng inyong pangalan at mga kabutihang ginawa ninyo para sa inyong bayang Israel ay nanirahan sa bayang ito at nagsadya sa Templong ito upang manalangin, pakinggan ninyo siya buhat sa langit na inyong tahanan, at ipagkaloob ang kanyang hinihiling. Sa gayon, makikilala ng lahat ng tao sa buong mundo ang inyong pangalan at sila'y sasamba sa inyo, tulad ng Israel. Malalaman nilang dito sa Templong ito na aking itinayo, ang inyong pangalan ay dapat sambahin.