Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 8:1-43

I MGA HARI 8:1-43 ABTAG01

Pagkatapos ay tinipon ni Solomon ang matatanda ng Israel at ang lahat ng puno ng mga lipi, ang mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng bayan ni Israel, sa harapan ni Haring Solomon sa Jerusalem, upang iakyat ang kaban ng tipan ng PANGINOON mula sa lunsod ni David na siyang Zion. Ang lahat ng mamamayan sa Israel ay nagtipon kay Haring Solomon sa kapistahan, sa buwan ng Ethanim, na siyang ikapitong buwan. At ang lahat ng matatanda sa Israel ay nagtipon, at binuhat ng mga pari ang kaban. Kanilang iniakyat ang kaban ng PANGINOON, ang toldang tipanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapan na nasa tolda; iniakyat ang mga ito ng mga pari at ng mga Levita. Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagtipon sa kanyang harapan ay kasama niya sa harap ng kaban na nag-aalay ng napakaraming mga tupa at mga baka na di matuturingan o mabibilang man. At ipinasok ng mga pari ang kaban ng tipan ng PANGINOON sa kalalagyan nito, sa panloob na santuwaryo ng bahay, sa dakong kabanal-banalan, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Sapagkat nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin sa gawing ibabaw ng kaban, anupa't ang mga kerubin ay kumakanlong sa ibabaw ng kaban at sa mga pasanan niyon. Ang mga pasanan ay napakahaba kaya't ang mga dulo ng mga pasanan ay nakikita mula sa dakong banal sa harap ng panloob na santuwaryo, ngunit hindi nakikita sa labas at nandoon ang mga iyon hanggang sa araw na ito. Walang anumang bagay sa kaban liban sa dalawang tapyas na bato na inilagay ni Moises doon sa Horeb, na kung saan ang PANGINOON ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto. Kapag ang mga pari ay lumabas sa dakong banal, ang bahay ng PANGINOON ay napupuno ng ulap, kaya't ang mga pari ay hindi makatayo upang mangasiwa dahil sa ulap; sapagkat napuno ng kaluwalhatian ng PANGINOON ang bahay ng PANGINOON. Pagkatapos ay nagsalita si Solomon, “Sinabi ng PANGINOON na siya'y maninirahan sa makapal na kadiliman. Ipinagtayo kita ng isang marangal na tahanan, isang dako na iyong tatahanan magpakailanman.” Humarap ang hari at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel, habang ang buong kapulungan ng Israel ay nakatayo. At kanyang sinabi, “Purihin ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, na sa pamamagitan ng kanyang kamay ay tinupad ang ipinangako ng kanyang bibig kay David na aking ama, na sinasabi, ‘Mula nang araw na aking ilabas ang aking bayang Israel mula sa Ehipto, hindi pa ako pumili ng isang lunsod sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; ngunit aking pinili si David upang maghari sa aking bayang Israel.’ Nasa puso ni David na aking ama ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel. Ngunit sinabi ng PANGINOON kay David na aking ama, ‘Nasa iyong puso ang magtayo ng isang bahay para sa aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na iyon ay nasa iyong puso. Gayunma'y hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang magiging anak mo ang siyang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.’ Ngayon ay tinupad ng PANGINOON ang salitang kanyang sinabi, sapagkat ako'y bumangong kapalit ni David na aking ama, at nakaupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako ng PANGINOON, at nagtayo ako ng bahay para sa pangalan ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel. At doo'y aking ipinaghanda ng isang lugar ang kaban na kinaroroonan ng tipan ng PANGINOON na kanyang ginawa sa ating mga ninuno, nang kanyang ilabas sila sa lupain ng Ehipto.” Pagkatapos ay tumayo si Solomon sa harap ng dambana ng PANGINOON, sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at inilahad ang kanyang mga kamay paharap sa langit. At kanyang sinabi, “O PANGINOON, Diyos ng Israel, walang Diyos na gaya mo sa langit sa itaas, o sa lupa sa ibaba na tumutupad ng tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa iyong mga lingkod na lumalakad sa harap mo ng buong puso nila, na siyang tumupad para sa iyong lingkod na si David na aking ama ng iyong ipinangako sa kanya. Ikaw ay nagsalita sa pamamagitan ng iyong bibig, at tinupad mo ng iyong kamay sa araw na ito. Ngayon, O PANGINOON, Diyos ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na si David na aking ama ang ipinangako sa kanya, na sinasabi, ‘Hindi mawawalan sa iyo ng kapalit sa aking harapan na uupo sa trono ng Israel, kung ang iyong mga anak lamang ay mag-iingat sa kanilang landas, at lalakad sa harap ko gaya ng paglakad mo sa harap ko.’ Ngayon, O Diyos ng Israel, idinadalangin ko sa iyo na pagtibayin mo ang iyong salita na iyong sinabi sa iyong lingkod na si David na aking ama. Ngunit totoo bang maninirahan ang Diyos sa lupa? Sa langit at sa pinakamataas na langit ay hindi ka magkakasiya; gaano pa sa bahay na ito na aking itinayo! Gayunma'y iyong pahalagahan ang dalangin ng iyong lingkod at ang kanyang samo, O PANGINOON kong Diyos, na dinggin ang daing at dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harapan mo sa araw na ito; na ang iyong mga mata ay maging bukas nawa sa lugar ng bahay na ito gabi at araw, sa lugar na iyong sinabi, ‘Ang aking pangalan ay doroon;’ upang iyong dinggin ang panalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa lugar na ito. Pakinggan mo ang pakiusap ng iyong lingkod, at ng iyong bayang Israel, kapag sila'y nananalanging paharap sa lugar na ito. Oo, dinggin mo sa langit na iyong tahanan; dinggin mo at patawarin. “Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kanyang kapwa, at pinasumpa siya ng isang panata, at siya'y pumarito at manumpa sa harap ng iyong dambana sa bahay na ito, pakinggan mo sa langit, at kumilos ka at hatulan mo ang iyong mga lingkod. Iyong parusahan ang nagkasala sa pamamagitan ng pagpapataw ng kanyang ginawa sa kanyang sariling ulo, at ariing-ganap ang matuwid upang bigyan siya ng ayon sa kanyang pagiging matuwid. “Kapag ang iyong bayang Israel na nagkasala laban sa iyo ay nagapi sa harap ng kaaway ngunit muling nanumbalik sa iyo, at kinilala ang iyong pangalan, nanalangin at nagsumamo sa iyo sa bahay na ito, ay pakinggan mo mula sa langit, at patawarin mo ang kasalanan ng iyong bayang Israel, at dalhin mo sila uli sa lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno. “Kapag ang langit ay nasarhan at walang ulan sapagkat sila'y nagkasala laban sa iyo, at pagkatapos sila'y dumalangin paharap sa dakong ito, at kinilala ang iyong pangalan, at tinalikuran ang kanilang kasalanan, sapagkat iyong pinarusahan sila, pakinggan mo sa langit at patawarin mo ang pagkakasala ng iyong mga lingkod, at ng iyong bayang Israel, at sila'y iyong turuan ng mabuting daan na kanilang dapat lakaran; at bigyan mo ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan bilang pamana. “Kung magkaroon ng taggutom sa lupain, kung magkaroon ng salot, kung magkaroon ng tagtuyot o amag, balang o higad, kung kubkubin sila ng kanilang kaaway sa lupain ng kanilang mga lunsod; anumang salot, anumang sakit na naroon, anumang dalangin at pakiusap na gawin ng sinumang tao, o ng iyong buong bayang Israel, na nalalaman ng bawat tao ang salot sa kanyang sariling puso, at iuunat ang kanyang mga kamay paharap sa bahay na ito, pakinggan mo sa langit na iyong tahanan, magpatawad, kumilos, at gantihan mo ang bawat tao na ang puso ay iyong nalalaman ayon sa lahat niyang mga lakad, sapagkat ikaw, ikaw lamang ang nakakaalam ng mga puso ng lahat ng mga anak ng mga tao— upang sila'y matakot sa iyo sa lahat ng araw ng kanilang buhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga ninuno. “Gayundin ang dayuhan na hindi kabilang sa iyong bayang Israel, kapag siya'y magmumula sa isang malayong lupain dahil sa iyong pangalan, sapagkat kanilang mababalitaan ang iyong dakilang pangalan, at ang iyong makapangyarihang kamay, at ang iyong nakaunat na bisig, kapag siya'y paparito at dadalangin paharap sa bahay na ito; pakinggan mo sa langit na iyong tahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat na ipapanawagan sa iyo ng dayuhan, upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan, upang matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.