Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Hari 8:1-21

1 Mga Hari 8:1-21 RTPV05

Ang pinuno ng Israel at ang mga pinuno ng mga lipi at ng mga angkan ng Israel ay ipinatawag ni Solomon sa Jerusalem upang kunin ang Kaban ng Tipan sa Zion, ang lunsod ni David. Kaya nagpunta kay Solomon ang mga pinuno ng Israel noong kapistahan ng ikapitong buwan ng taon. Nang naroon na ang lahat, binuhat ng mga pari ang Kaban ng Tipan. Tinulungan sila ng mga Levita sa pagdadala ng Kaban ng Tipan, ng Tolda, at ng mga kagamitang naroroon. Hindi mabilang ang mga baka at tupang inihandog ni Haring Solomon at ng buong Israel sa harap ng Kaban ng Tipan. Pagkatapos, ipinasok ng mga pari ang Kaban ng Tipan sa Dakong Kabanal-banalan, at inilagay sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Nakabuka ang pakpak ng mga kerubin, kaya't nalulukuban ng mga iyon ang Kaban ng Tipan at ang mga pasanan nito. Lampas sa Kaban ang mga dulo ng pasanan, kaya't kitang-kita sa Dakong Banal, sa harap ng Dakong Kabanal-banalan; ngunit hindi nakikita sa labas. Naroon pa ang mga pasanan hanggang sa panahong ito. Walang ibang laman ang Kaban kundi ang dalawang tapyas ng batong inilagay roon ni Moises noong sila'y nasa Sinai. Ito ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa bayang Israel noong umalis sila sa lupain ng Egipto. Pagkalabas ng mga pari, ang Templo'y napuno ng ulap; kaya't hindi sila makapagpatuloy ng gawain sa loob. Ang Templo'y napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. Kaya't sinabi ni Solomon: “O Yahweh, kayo ang naglagay ng araw sa langit, ngunit minabuti ninyong manirahan sa makapal na ulap. Ipinagtayo ko kayo ng isang kahanga-hangang Templo, isang bahay na titirhan ninyo habang panahon.” Pagkatapos, humarap si Solomon sa buong bayan at sila'y binasbasan. Wika niya, “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako kay David na aking ama. Sinabi niya noon, ‘Mula pa nang ilabas ko sa Egipto ang aking bayang Israel hanggang ngayon, hindi ako pumili ng alinmang lunsod sa labindalawang lipi upang ipagtayo ako ng Templo na kung saa'y sasambahin ang aking pangalan. Ngunit pinili ko si David upang mamuno sa aking bayan.’ “Binalak ng aking ama na ipagtayo ng Templo si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, ‘Maganda ang balak mong magtayo ng Templo para sa akin, subalit hindi ikaw ang magtatayo niyon. Ang iyong magiging anak ang siyang magtatayo ng Templo para sa ikararangal ng aking pangalan.’ “Natupad ngayon ang pangako ni Yahweh. Humalili ako sa aking amang si David at naupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako niya. Naitayo ko na ang Templo para sa ikararangal ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Naglaan ako roon ng lugar para sa Kaban na kinalalagyan ng Tipan na ibinigay ni Yahweh sa ating mga ninuno nang sila'y ilabas niya sa Egipto.”

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya