Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 8:1-21

I MGA HARI 8:1-21 ABTAG01

Pagkatapos ay tinipon ni Solomon ang matatanda ng Israel at ang lahat ng puno ng mga lipi, ang mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng bayan ni Israel, sa harapan ni Haring Solomon sa Jerusalem, upang iakyat ang kaban ng tipan ng PANGINOON mula sa lunsod ni David na siyang Zion. Ang lahat ng mamamayan sa Israel ay nagtipon kay Haring Solomon sa kapistahan, sa buwan ng Ethanim, na siyang ikapitong buwan. At ang lahat ng matatanda sa Israel ay nagtipon, at binuhat ng mga pari ang kaban. Kanilang iniakyat ang kaban ng PANGINOON, ang toldang tipanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapan na nasa tolda; iniakyat ang mga ito ng mga pari at ng mga Levita. Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagtipon sa kanyang harapan ay kasama niya sa harap ng kaban na nag-aalay ng napakaraming mga tupa at mga baka na di matuturingan o mabibilang man. At ipinasok ng mga pari ang kaban ng tipan ng PANGINOON sa kalalagyan nito, sa panloob na santuwaryo ng bahay, sa dakong kabanal-banalan, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Sapagkat nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin sa gawing ibabaw ng kaban, anupa't ang mga kerubin ay kumakanlong sa ibabaw ng kaban at sa mga pasanan niyon. Ang mga pasanan ay napakahaba kaya't ang mga dulo ng mga pasanan ay nakikita mula sa dakong banal sa harap ng panloob na santuwaryo, ngunit hindi nakikita sa labas at nandoon ang mga iyon hanggang sa araw na ito. Walang anumang bagay sa kaban liban sa dalawang tapyas na bato na inilagay ni Moises doon sa Horeb, na kung saan ang PANGINOON ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto. Kapag ang mga pari ay lumabas sa dakong banal, ang bahay ng PANGINOON ay napupuno ng ulap, kaya't ang mga pari ay hindi makatayo upang mangasiwa dahil sa ulap; sapagkat napuno ng kaluwalhatian ng PANGINOON ang bahay ng PANGINOON. Pagkatapos ay nagsalita si Solomon, “Sinabi ng PANGINOON na siya'y maninirahan sa makapal na kadiliman. Ipinagtayo kita ng isang marangal na tahanan, isang dako na iyong tatahanan magpakailanman.” Humarap ang hari at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel, habang ang buong kapulungan ng Israel ay nakatayo. At kanyang sinabi, “Purihin ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, na sa pamamagitan ng kanyang kamay ay tinupad ang ipinangako ng kanyang bibig kay David na aking ama, na sinasabi, ‘Mula nang araw na aking ilabas ang aking bayang Israel mula sa Ehipto, hindi pa ako pumili ng isang lunsod sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; ngunit aking pinili si David upang maghari sa aking bayang Israel.’ Nasa puso ni David na aking ama ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel. Ngunit sinabi ng PANGINOON kay David na aking ama, ‘Nasa iyong puso ang magtayo ng isang bahay para sa aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na iyon ay nasa iyong puso. Gayunma'y hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang magiging anak mo ang siyang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.’ Ngayon ay tinupad ng PANGINOON ang salitang kanyang sinabi, sapagkat ako'y bumangong kapalit ni David na aking ama, at nakaupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako ng PANGINOON, at nagtayo ako ng bahay para sa pangalan ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel. At doo'y aking ipinaghanda ng isang lugar ang kaban na kinaroroonan ng tipan ng PANGINOON na kanyang ginawa sa ating mga ninuno, nang kanyang ilabas sila sa lupain ng Ehipto.”

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya