Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ang Awit ni Solomon 8

8
1Bakit kaya ika'y hindi naging isa kong kapatid?
Inaruga ng ina ko, lumaki sa kanyang dibdib,
upang kahit sa lansangan, kung sa iyo ay humalik
ay di tayo papansinin, pagkat tayo'y magkapatid.
2Sa bahay ng aking ina ikaw ay aking dadalhin
upang doon ituro at ipadama ang paggiliw,
dudulutan ka ng alak, ng masarap na inumin.
3Sa kaliwa niyang kamay ang ulo ko'y nakaunan
habang ako'y hinahaplos ng kanan niyang kamay.
4Ipangako n'yo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem,
ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.
Ang Ikaanim na Awit
Mga Babae:
5Sino itong dumarating na buhat sa kaparangan,
hawak-hawak pa ang kamay ng kanyang minamahal?
Babae:
Sa puno ng mansanas, ikaw ay aking ginising,
doon mismo sa lugar na iyong sinilangan.
6Kaya ako'y mahalin mo, sa bisig mo ay ikulong.
O kay lakas ng pag-ibig, panibugho man ay gayon;
sinlakas ng kamatayan, tumutupok, parang apoy.
7Kahit baha ay di kayang pigilin itong paggiliw,
buhusan man nitong tubig, di makuhang palamigin.
Subukin mong ang pag-ibig ay sa yaman mo daanin,
baka nga ang mangyari ay ikaw pa ang siyang kutyain.
Mga Lalaking Kapatid ng Babae:
8Kami ay mayro'ng kapatid, dibdib niya ay maliit,
ano kayang dapat gawin kung sa kanya'y may umibig?
9Kung pader lang sana siya, toreng pilak ay lalagyan,
at kung pintuan lamang siya, tablang sedar, ay lalagyan.
Babae:
10Ako'y isang batong muog, dibdib ko ang siyang tore;
sa piling ng aking mahal ay panatag ang sarili.
Mangingibig:
11May ubasan si Solomon sa dako ng Baal-hamon,
mga taong tumitingin, magsasakang tagaroon;
buwis nila'y libong pilak, bawat isa taun-taon.
12Kung si Haring Solomon ay mayroong libong pilak
at ang mga magsasaka'y may dalawandaang hawak,
ako naman ay mayroong taniman ng mga ubasan.
13Bawat isang kasama ko'y malaon nang nananabik,
na magmula ro'n sa hardin, ang tinig mo ay marinig.
Babae:
14Halika na aking sinta, madali aking mahal,
tulad ng pagtakbo ng usa sa kaburulan
na punung-puno ng mababangong halaman.

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in